GAGAWIN mo lahat para ipaglaban ang iyong karapatan. Pero paano kung ikaw ang biktima pero ikaw pa rin ang ikinulong?! Paano mo ipagtatanggol ang sarili mo?
Ngayong Sabado, panoorin ang totoong kuwento ni Krizzia—ang babaeng ginahasa na, ikinulong pa!
Sa edad-16, naging instant breadwinner ng pamilya si Krizzia. Nagkasakit kasi ang kanyang ama kaya nawalan ng trabaho. Ang kanyang ina naman ay nag-resign din para alagaan ang kanyang ama.
Kaya naman hindi na natupad ni Krizzia ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Naubos ang kanyang oras sa trabaho para sustentuhan ang kanyang mga magulang. Ito rin ang dahilan kaya nagtampo nang husto si Krizzia sa kanyang pamilya. Natali na kasi ang buhay niya sa kanila. Nagrebelde siya at lumayo rin sa Diyos.
Hanggang sa isang araw, niyaya siya ng kanyang kaibigan na si Dave na makipag-party. Bagamat ayaw sanang magpunta, dahil sa kakukulit ni Dave napilitan siyang maki-party. Ang ‘di alam ni Krizzia, may masama palang balak si Dave. Nilagyan umano nito ang inumin niya ng droga.
Kinompronta niya si Dave sa nangyari, subalit itinanggi ito.
Paano malulusutan ni Krizzia ang problemang ito? Tuluyan nga ba siyang matatalo sa kaso?
Ngayong Sabado, February 20, tunghayan natin sa Magpakailanman ang Rape Victim, Ikinulong tampok sina Kyline Alcantara, Sharmaine Arnaiz, Luis Hontiveros, at Elle Villanueva.
Mula ito sa direksiyon ni Don Michael Perez, pananaliksik ni Loi Argel Nova, at panulat ni Karen P. Lustica.
Rated R
ni Rommel Gonzales