WALONG tulak ng ilegal na droga, kabilang ang tatlong ginang, ang naaresto sa magkakahiwalay na drug operations ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina, Jr., dakong 10:30 pm nang respondehan ng mga tauhan ni P/Lt. Ronald Allan Soriano ng West Grace Park Police Sub-Station ang natanggap na tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang grupo ng indibiduwal na nagtatransaksiyon ng ilegal na droga sa Doña Rita St., Brgy. 19 ng nasabing lungsod.
Dito naaktohan ng mga pulis ang grupo na nagtatransaksiyon ng droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kinilalang si Marian Montemayor, 41 anyos, Gloria Javier, 43 anyos, isa umanong scavenger, Roland Familgan, 46 anyos, construction worker, at construction foreman na si Roderick Sanchez, 51 anyos.
Pitong plastic sachets na naglalaman ng nasa 1.5 gramo na hinihinalang shabu ang nakuha sa mga suspek tinatayang nasa P10,200 ang halaga.
Nauna rito, dakong 9:55 pm nang makuhaan ng halos dalawang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,600 ang halaga si Paul Lobo, 41 anyos, construction worker at Laarnie Dela Cruz, 40 anyos, maybahay, na nasita ng mga pulis sa Oplan Galugad sa harap ng bahay sa Sterling Diamante St., Deparo, Brgy. 170, ng lungsod dahil kapwa walang suot na face mask at tinakbohan pa ang mga pulis.
Dakong 10:40 pm nang respondehan ng mga pulis ang tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa proliferation ng ilegal na droga sa Tulingan St., Brgy.14, nagresulta sa pagkakaaresto kay Sonny Ocampo, 47, tricycle driver at Carlito Lurique, 45, vulcanizing boy.
Nakuha sa kanila ang tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P3,400 ang halaga.
Kapwa nahaharap ang mga naarestong suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
(ROMMEL SALES)