NADAKIP ng pulisya ang top 1 most wanted person ng Northern Police District (NPD) makalipas ang higit dalawang taon pagtatago dahil sa kasong murder sa Caloocan City.
Sa report ni District Special Operation Unit (DSOU) head P/Lt. Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Nelson Bondoc, kinilala ang naarestong suspek na si Benjamin Servano, 42 anyos.
Dakong 12:30 pm nang madakip ang suspek ng pinalakas na Intelligence Driven manhunt operation ng NPD DID, kasama ang team ng RUI-IG-NCR, DID-NPD at DMFB-NPD sa pangunguna ni P/Major Amor Cerillo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Umipig sa kanyang bahay sa Block 6 Lot 36 Tawilis St., Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Rodolfo P. Azucena, Jr., Presiding Judge ng RTC Branch 125 ng Caloocan City dahil sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Si Servano ay itinuturing na top 1 most wanted ng NPD matapos mapatay si Edgardo Buco noong 30 Disyembre 2018 makaraang barilin sa Kawal St., Brgy. 28, Caloocan City.
Ayon sa suspek, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nila ng biktima at pinagbantaan umano siyang papatayin naging dahilan upang unahan niya ang biktima.
(ROMMEL SALES)