NAGDAOS ng “Bike for Press Freedom” ang ilang grupo ng mga mamamahayag sa Quezon City, nitong Linggo.
Tinatayang nasa higit isang dosenang journalists at press freedom advocates mula sa AlterMidya, International Association of Women in Radio and Television-Philippines chapter, at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang sumama.
Nagbisikleta mula sa University of the Philippines (UP) Diliman, patungong ABS-CBN Compound sa Sgt. Esguerra Ave., at saka nagtungo sa Roces-Ignacia Circle, na matatagpuan ang monumento ng newspaper publisher na si Don Alejandro Roces, Sr.
Matapos ito ay tumuloy sila sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR), sa Commonwealth Avenue, para sa isang solidarity program.
May bitbit rin silang mga karatula na nagpapaabot ng kanilang pagsuporta sa press freedom sa bansa at may panawagan sa agarang pagpapalaya sa mga hinuling mamahayag na sina Frenchie Mae Cumpio at Lady Ann Salem.
Nabatid na si Cumpio ay mamamahayag sa Tacloban na nahuli dahil umano sa mga nakitang illegal possession of firearms noong 7 Pebrero 2020 sa isang joint police at military operations sa Tacloban City.
Habang si Salem naman ay nahuli sa parehong kaso sa kanyang tahanan sa Mandaluyong City noong 10 Disyembre, pero na-dismiss ng korte ang kaso noong 5 Pebrero, ngunit hanggang ngayon ay nakakulong pa ang mamamahayag.
“Today, journalists and human rights defenders pedal together to symbolize our commitment to continue fighting for press freedom,” anang AlterMidya sa isang pahayag.
“We are united in our call: free Frenchie Mae! Free Lady Ann! Defend press freedom!” dagdag nito.
“These two arrests based on trumped-up charges are part of the upsurge in press freedom attacks not only against the alternative media, but on the whole sector of media practitioners in the country.”
Sa isang pahayag, sinabi ng NUJP na mayroong dumaraming persekusyon laban sa critical media ng puwersa ng pamahalaan.
“Journalism is not and can never be a crime. This is why the agents of the state resort to falsehoods and fabricated evidence in their efforts to silence the truth-tellers,” pahayag ng NUJP.
Sa naturang aktibidad, lumagda rin ang mga kalahok sa petisyon para sa pagbabalik sa ere ng ABS-CBN Network. (ALMAR DANGUILAN)