WALO katao na pawang hinihinalang drug personalities kabilang ang isang ginang ang dinakip matapos makompiskahan ng halos P.2 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) P/SSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega, dakong 2:30 am nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Robin Santos sa J. Martin St., Brgy. Pasolo.
Kinilala ang mga suspek na sina Rolando Samonte, alyas Tisoy, 45 anyos, residente sa Palamores St., Brgy. Coloong; at Michael Santos, 47 anyos, residente sa Santos Compound, Malinta Bukid matapos bentahan ng P5,000 halaga ng shabu si P/Cpl. Ed Shalom Abiertas na nagpanggap na buyer.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa 20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P136,000, buy bust money, P2,750 cash, 2 cellphones, motorsiklo, bisikleta at coin purse.
Nauna rito, dakong 11:30 pm nang madakma din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa N. De Galicia St., Brgy. Maysan sina Sahlee de Galicia, alyas Boss, 49 anyos; Enrico Pamintuan, 49 anyos; Reynaldo Eugenio Jr., 31 anyos; Rogelio Camuñas, Jr., 52; Alberto Fermin, 56; at Edgar Lancero, 48.
Ayon kay SDEU investigator P/SSgt. Carlito Nerit Jr., narekober ng mga operatiba sa mga suspek ang nasa 6.5 gramo ng shabu na tinatayang nasa P44,200 ang halaga, P500 buy bust money, P1,500 cash, cellphone at ilang drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)