INIHAYAG ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala pa silang plano sa ngayon na buwagin ang kanilang nilagdaang 1992 security agreement sa University of the Philippines (UP), na nagbabawal sa mga pulis na mag-operate sa loob ng campus grounds nang walang paunang paabiso.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang nais lamang nila ay magkaroon ng isang ‘healthy discussion’ kasama ang mga opisyal ng UP kaya nagpatawag ng pulong.
Matatandaang una nang inianunsiyo ng DILG na makikipagpulong sila sa mga opisyal ng UP ngayong linggo alinsunod sa kahilingan nito, upang talakayin ang ilang isyu hinggil sa kasunduan.
“We have no intentions of abrogation at present. What we want is to have a healthy discussion with the officials of the University of the Philippines,” pahayag ni Malaya.
Aniya, nais rin nilang ma-assess ang antas ng seguridad, partikular sa UP Diliman, dahil maraming residential units, business establishments, at informal settlers sa loob ng campus.
“We would like to find out if the UP Diliman police are up to par with the changes since 1992,” ani Malaya.
Paglilinaw ng opisyal, wala rin plano ang DILG na mag-deploy ng mga pulis sa loob ng UP campus upang i-monitor ang galaw ng mga estudyante dahil ang naturang aksiyon aniya ay paglabag sa academic freedom.
Nangangahulugan ito na wala rin intensiyon ang DILG at PNP na pagbawalan ang mga guro na ituro ang komunismo dahil bahagi ito ng curriculum. (ALMAR DANGUILAN)