DALAWA na ang kompirmadong namatay habang 96 ang isinugod sa mga ospital matapos makalanghap ng amoy mula sa ammonia na tumagas sa isang ice plant sa lungsod.
Kahapon ng umaga, kinompirma muli ni Mayor Toby Tiangco na may isa pang namatay sa ammonia leak sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage sa R-10, Brgy. NBBS.
Kinilala ng alkalde ang isa pang namatay na si Joselito Jazareno, 54 anyos, residente sa Malabon at electrician ng kompanya na nakita ang kanyang bangkay malapit sa lugar ng sumabog na surge tank.
Sa tala kahapon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ng 5:00 am, umabot sa 96 ang dinala sa mga ospital, kabilang si Gilbert Tiangco na unang namatay din dahil sa insidente.
“Lahat po ng medical expenses ng mga pamilyang apektado ay babalikatin ng kompanya. Kasalukuyan pong nakasara ang ice plant at pabubuksan lamang po natin ito kapag naisagawa na ang safety measures alinsunod sa mga rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection” pahayag ni Mayor Toby.
“Sa panig ng ating pamahalaang lungsod, magbibigay po tayo ng counselling para sa mga residenteng na-trauma dahil sa insidente. Ipapa-check din po natin sa BFP at Sanitation Officers ang iba pang mga ice plant at cold storage sa lungsod kaugnay ng kanilang Occupational Safety Standards and Environmental Compliances” dagdag niya.
(ROMMEL SALES)