ni ROSE NOVENARIO
PABOR si vaccine czar at CoVid-19 policy chief implementer Carlito Galvez, Jr., na ipagbawal ang face-to-face campaign para sa halalan 2022 national elections dahil delikadong kumalat ang coronavirus disease (CoVid-19).
Sinabi ni Galvez na malaking hamon at mapanganib ang personal na pangangampanya ng mga kandidato na mangangahulugan ng close contact sa maraming tao na maaaring maging sanhi ng hawaan ng sakit.
Ayon kay Galvez, tatalakayin nila ng Commission on Elections (COMELEC) ang nasabing isyu.
“Iyon po ay tatalakayin natin po with the Comelec kasi talaga pong nakikita po natin na malaki po iyon na challenge at risk, iyong magkakaroon po ng mga face-to-face na crowd gathering,” sabi ni Galvez sa Laging Handa public briefing kahapon.
“Nakikita po natin na iyong pangangampanya po, it will enhance iyong close contact with different people. So, kapag ano po namin at tumatawag na rin po sa akin ang COMELEC and we will discuss this later,” dagdag ni Galvez.
Inihayag kamakalawa ng Comelec na pinag-aaralan ng poll body ang ban sa face-to-face campaign sa May 2022 elections bunsod ng CoVid-19 pandemic.
“Activities, like giving out materials or going out or talking to people face-to-face for campaign purposes — that’s gonna change. Door-to-door campaigns might be prohibited,” ani Comelec spokesperson James Jimenez.
Posible aniyang isulong ng poll body ang online campaigning upang matiyak ang kaligtasan ng mga botante ngunit kailangan ang batas para maipatupad ito.
Para kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, kapag natuloy ang implementasyon ng ban sa face-to-face campaign, papabor ito sa mayayamang kandidato at ang halalan ay magiging paligsahan ng “rich and famous.”
“Again, if face-to-face campaigning would be prohibited, candidates would have to rely on online and media ads campaigning which is very expensive and only the rich candidates can afford that,” aniya.