DALAWANG Aeta sa Zambales, buena mano na sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Terror Act ang humiling sa Korte Suprema na sumali sa petisyon upang maibasura ang kontrobersiyal na batas.
Sina Japer Gurung at Junior Ramos ay nakapiit mula pa noong nakalipas na Agosto nang akusahan ng military na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na bumaril sa grupo ng mga sundalo sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales na ikinamatay ni Sgt. Rudil Dilao.
Matatandaan, inakusahan ng dalawang Aeta ang ilang kagawad ng 7th Infantry Division ng Philippine Army sa San Marcelino, Zambales na sila ay tinortyur at pinakain ng dumi ng tao si Gurung para paaminin silang mga kasapi ng NPA.
Naganap umano ito matapos lumikas ang 659 pamilya bunsod ng pambobomba sa kanilang lugar para bigyan daan ang pagmimina ng Dizon Copper-Silver Mines, Inc., na mahigpit na tinututulan ng mga katutubo.
Inihain nina Gurung at Ramos sa Korte Suprema, sa pamamagitan ng kanilang mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), ang 42-pahinang petisyon laban sa Anti-Terror Law noong 30 Enero 2021 at isinapubliko kamakalawa sa unang araw ng oral argument sa naturang batas.
Anang mga Aeta, dapat silang payagan na makilahok para legal na hamunin ang batas dahil sila ang mga unang sinampahan ng paglabag sa Anti-Terror Law na naisapubliko.
Kinasohan din ng murder, attempted murder, at illegal possession of firearms, ang dalawang Aeta na anila’y imbento lang ng military, batay sa petisyon nila.
“To extract a confession from [Gurung], the soldiers tied him up and repeatedly mauled him, placed him inside a sack and hung him upside down, suffocated him with a plastic bag and cigarette smoke over his head, and forced to eat his own feces,” ayon sa petisyon.
“They are now under threat of being imprisoned for life without the benefit of parole under a void and unconstitutional law.”
“These terms are so indefinite, and any incident where a person’s life is endangered or where property and critical infrastructure are extensively damaged or interfered with may thus be construed or convoluted as terrorism.” (ROSE NOVENARIO)