ISA ang namatay habang 59 ang itinakbo sa ospital sa naganap na pagtagas ng ammonia sa planta ng yelo na pag-aari ng pamilya Tiangco sa Navotas City kahapon, ayon kay Mayor Toby Tiangco.
Tinukoy ni Tiangco ang T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage at inaming pag-aari ng kanyang ina at mga kapatid.
Iniimbestigahan na umano ng mga awtoridad ang dahilan ng pagtagas.
“Ang unang ginawa is mailikas ‘yung mga tao and number two, maisara ‘yung balbula. Susunod na titingnan nila is kung nasira ba ‘yung tubo or human error,” pahayag ni Tiangco.
Kahapon, nakita ang biglaang paglikas ng mga residente sa kahabaan ng Radial Road (R) 10 makaraang sumingaw ang ammonia sa planta ng yelo sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS).
“Ang likod po niyan is residential area facing R-10 so kaagad pong pumunta ‘yong Bureau of Fire natin doon at ‘yong mga ambulansiya para ilikas po ang matatanda at saka ‘yong mga bata,” ani Tiangco.
“Sinagad na namin along R-10 [ang evacuation] kasi ‘yong T.P. Marcelo is facing North Bay Boulevard pero ‘yong likod non, puro residential… Papuntang C-3 i-evacuate na namin,” dagdag ni Tiangco.
(ROMMEL SALES)