SA tulong ni Nora Aunor, makakamit na ng 22-anyos na aspiring actor-singer, Frederick Atienza ang kanyang pangarap. Ipinangako kasi ni Ate Guy nang makaharap niya ito na tutulungan siya para mapasok ang showbiz.
Certified Noranian ang ina ni Frederick kaya naman kahit siya’y ito rin ang iniidolo. Wish nga niyang makatrabaho ito kapag naging isang ganap na artista na siya.
Anang binata na tubong Malolos, Bulacan, kinalakihan na niya ang mga pelikula at awitin ni Nora dahil nga sa kanyang ina. Actually, ang mga paborito niyang pelikula ni Ate Guy ay Himala at Minsan Isang Gamo-gamo. Paborito naman niyang kantahin ang Habang Panahon.
Puring-puri ni Frederick si Nora. Kuwento niya nang minsang makahuntahan namin ito, ”Napakabait po niya at sabi niya tutulungan niya akong maabot ang aking mga pangarap, maging singer at actor.”
Hindi na bago ang pag-arte kay Frederick dahil aktibo siya sa kanilang teatro sa school. Sinubukan din niyang sumali sa ilang kompetisyon sa TV gaya ng Idol Philippines at StarStruck pero hindi siya pinalad.
Hindi naman iyon nakapigil kay Frederick para hindi ituloy ang pangarap bagkus naging challenge iyon para lalong pagbutihin na maabot ang mga pangarap.
Inspirasyon niya ang pamilya niyang laging nariyan na nakaagapay sa kanya lalo na ang kanyang ina na kasa-kasama sa lahat ng lakaran.
Bunso sa tatlong magkakapatid si Frederick at dahil idolo nga niya ang Superstar, gusto niya itong tularan.
Bukod kay Ate Guy, gusto rin niyang makatrabaho si Mikee Quintos dahil bukod sa nagagandahan siya ay nagagalingan rin siya sa pag-arte nito.
“Kung may pagkakataon po talagang gusto kong makasama si Ate Guy. Hindi naman po siguro ako mame-mental block dahil talagang paghahandaan ko iyon. Hindi ko siya uurungan, ha ha ha,” sambit pa ni Frederick.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio