SINIBAK sa puwesto ang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ireklamo ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) dahil sa panghihimasok sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Customs-NAIA deputy collector for passengers services Atty. Ma. Lourdes Mangaoang, humingi ng paumanhin sa pangunguna ni Undersecretary Raul del Rosario, commander ng Task Force Group on CoVid-19, ang PCG commanders kabilang ang isang kinilalang si PO2 Fiesta na inireklamo matapos ang pagpupulong noong Miyerkoles ng hapon, 27 Enero.
Dagdag ni Mangaoang, kailangan malaman ng mga tauhan ng PCG sa mandato ng BoC, at maipaalam sa kanila ang mga limitasyon ng kanilang trabaho bilang detailed personnel, upang hindi lahat pinakikialaman.
Nagpadala rin si Mangaoang ng opisyal na liham kay Admiral George Ursabi, Jr., PCG commanding general, at sinabi niya ang isang insidenteng nakunan ng closed circuit television (CCTV) sa arrival area ng NAIA terminal 2.
Dito tila nabastos ng isang tauhan ng PCG na kinilalang si PO2 Fiesta, ang isang babaeng Customs officer na si Mona Cielo Magnaye noong 28 Disyembre 2020.
Sa naturang video, nakita rin ang isang hindi kilalang tauhan ng PCG na nag-iinspeksiyon ng declaration form ng pasahero at BoC official receipt mula sa isang papaalis na pasahero.
Nabatid na dumaan sila sa pintong may marking na “No entry/exit” sign tuwing papasok at lalabas sa lugar na nabanggit, samantala, ang mga tauhan ng BoC, at iba pang mga empleyado at opisyal ng gobyerno ay dumaraan sa sa mga pintong may metal detector at X-ray machine.
Matapos ang kanilang pagpupulong, sinabi ni Usec. del Rosario na ipaaalam ang kanilang mga reklamo sa mga sangkot na tauhan ng PCG at uutusang huwag manghimasok sa hurisdiksiyon ng Customs.
Nangako rin si Usec. Del Rosario na hindi na mauulit ang mga katulad na insidente.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang lahat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na alamin ang mandato ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa loob ng mga terminal at huwag lumampas sa kanilang mga tungkulin sa mga paliparan.
Dinala ang ilang mga tauhan ng PCG sa NAIA upang tumulong sa mga quarantine official noong nagsimula ang pandemya at nang likhain ang One Stop Shop Task Force, kung saan nakatalaga silang tumulong sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) at mga non-OFWs sa paliparan.
Ayon kay MIAA Media Affairs Division head Jess Martinez, nakatatanggap din sila ng mga reklamong nakikialam at nanghihimasok ang mga tauhan ng PCG sa mga tungkulin sa mga terminal ng NAIA gaya ng pag-a-assist sa mga VIP kahit ito ay trabaho ng MIAA Public Assistant Officers.
Kinokombinsi din ng iba sa mga tauhan ng PCG ang mga umuuwing non-OFW na piliin ang inirerekomenda nilang hotel para sa quarantine stay maging ang transportation service na hindi na saklaw ng kanilang trabaho.
Dagdag ni Martinez, tanging ang MIAA General Manager lamang ang makapagpaparusa o makapipigil sa pagpasok ng sinuman sa mga restricted area sa NAIA.
Ang naturang awtoridad ay wala sa kapangyarihan ng PCG.
Ayon kay Martinez, nakasaad sa Administrative Order 151 mula sa Pangulo ng Filipinas na binibigyang kapangyarihan ang Manila International Airport Authority sa lahat ng operasyon sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kaugnay nito, isinasaad sa Section 9(b) ng EO 903, binibigyang kapangyarihan ang MIAA General Manager para pangasiwaan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nag-o-operate sa NAIA.
Ayon din sa Section 18(b) ng EO 125, mayroong police authority ang MIAA sa lahat ng NAIA premises kabilang ang mga lugar na ginagamit ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
Nasa awtoridad din ng Airport Security Center, nasa ilalim ng kapangyarihan ng MIAA General Manager, ang pagpaplano, pangangasiwa, kontrol, koordinasyon, at direktang intelihensiya, at operational activities ng police at military units, security, at safety units, government monitoring, at intelligence units at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa loob ng NAIA. (JSY)