Monday , December 23 2024

Palasyo iwas-pusoy sa viral party ng celebrity sa Baguio City (Quarantine protocols nilabag)

IWAS-PUSOY ang Palasyo sa isyu ng viral Baguio City party na may mga paglabag sa ipinatu­tupad na quarantine protocols sa panahon ng pandemya sa bansa.

Mismong si contact tracing czar at Baguio City Mayor, ay umamin na may mga paglabag sa pandemic protocols sa nasabing pagtitipon.

Si Magalong at kanyang misis ay kabilang sa mga dumalo sa nasabing party noong nakalipas na 17 Enero na inorganisa ni events host Tim Yap at dinayo ng ilang personalidad.

Ipinagtanggol ni Presidential Spokesman Harry Roque si Magalong at sinabing wala umanong personal liability ang alkalde kung nagpunta lang sa party pero nakasuot naman ng facemask at nag-observe ng social distancing.

“You know, on the personal liability depends kung mayroon siyang personal na ginawa. Mere attendance is not actionable. Siya ba ay nag-observe ng social distancing, siya ba ay naka-mask. So kung ganoon naman ay wala siyang liability ‘no,” ani Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.

Bahala na aniya ang lokal na pamahalaan sa pagsisiyasat sa insidente at gumawa ng karampatang hakbang.

“Pero ang importante po, sinabi na niya (Magalong) there were lapses at sinabi na nga po niya, the Vice Mayor is investigating obviously kasi involved siya roon sa insidenteng iyan. Antayin na lang po natin ang mga hakbang na gagawin,” dagdag ni Roque.

Iginiit ni Roque, buo pa rin ang tiwala ng Pangulo kay Magalong.

“Buo po ang tiwala ni Presidente kay Mayor Magalong, buo po ang kaniyang respeto kay Mayor Magalong and when he says that the law will be implemented, we trust that Mayor Magalong will implement the law.”

Noong Setyembre 2020 ay tikom ang bibig ng mga opisyal ng Palasyo at ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging infectious Diseases sa lantarang paglabag sa physical/social distancing ng daan-daang katao na dalawang araw dumagsa sa Manila Bay ‘white sand beach’ sa Roxas Boulevard, Maynila.

Binatikos ng netizens ang isinagawang public viewing sa naturang proyekto para ipakita ang dinurog na dolomite rocks na inilagay bilang white sand sa baybayin ng Manila Bay dahil siksikan ang mga tao at hindi sila sinasaway ng mga pulis kahit walang umiral na social/physical distancing.

Noong Nobyembre 2020 ay naging viral din ang video ni Roque habang kumakanta sa isang public place sa Baguio City sa kasagsagan ng typhoon Ulysses.

Naganap din sa naturang buwan ang paglabag ni Roque sa physical distancing measures sa dinaluhang pagtitipon sa Bantayan Island, Cebu habang si Sen. Manny Pacquiao ay naging tapagsalita sa isang event sa Batangas na siksikan ang mga tao.

Si PNP chief Debold Sinas ay naging pamoso sa idinaos na Voltes V-themed mañanita party sa kanyang kaarawan noong Mayo 2020 na may mga paglabag din sa quarantine protocols.

Ngunit ang kilos-protesta ng ilang nagugutom na residente ng Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-Asa mula sa Sandigan ng Maralitang Nagkakaisa (SaMaNa) sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) noong 01 Abril 2020 dahil sa mabagal na ayuda ng pamahalaan, ay marahas na binuwag ng mga pulis at dinakip ang 21 raliyista.

Hindi pa nagkasya sa pagdakip sa mga maralitang gutom, sa kanyang public address kinagabihan ay inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagbabanta na ipababaril sila sa mga sundalo kapag umulit.

“Huwag ninyo… Huwag ninyong subukan ang Filipino. Do not try to test it. Alam mo we are ready for you. Gulo o barilan o patayan, I will not hesitate my soldiers to shoot you. I will not hesitate to order the police to arrest and detain you,” sabi ni Pangulong Duterte.

“Huwag ninyo akong takutin ng gulo-gulo kasi kung gusto talaga ninyo ng gulo, guguluhin natin ang bayan natin tutal wala pa namang pagkain. Kung gusto ninyo no’ng barilan, e ‘di sige. Gusto ninyo ng pukpukan, sige. I will not hesitate. My orders are sa pulis pati military, pati mga barangay na pagka ginulo at nagkaroon ng okasyon na lumaban at ang buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead,” anang Pangulo noon.

“Naintindihan ninyo? Patay. E kaysa maggulo kayo diyan, e ‘di ilibing ko na kayo. Ah ‘yung libing, akin ‘yan. Huwag ninyo subukan ang gobyerno kasi itong gobyerno na ito hindi inutil,” pamamarali ng Pangulo.

(ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *