ni ROSE NOVENARIO
SINIBAK ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang deputy chief of staff for intelligence ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa inilabas na maling listahan na tumukoy sa ilang nagtapos sa University of the Philippines (UP) bilang mga nadakip o napatay na miyembro ng New People’s Army (NPA).
Para kay Lorenzana, walang kapatawaran ang kapalpakan ni Maj. Gen. Alex Luna at ang inilabas na listahan ng tanggapan ng heneral ay nagdulot ng kaguluhan at pinsala sa reputasyon ng militar.
“His negligence only shows a lackadaisical attitude towards his job resulting to confusion and damage to reputation. We do not take these offenses lightly and I want to hold the people involved accountable,” ayon sa kalatas ni Lorenzana tungkol kay Luna.
Matatandaang pumalag ang UP alumni sa inilathalang listahan sa social media account ng AFP na binanggit ang mga pangalan na mga buhay pa at hindi naging kasapi ng NPA .
Ipinangalandakan ni Lorenzana ang nasabing listahan sa press briefing hinggil sa pagkakansela niya sa 1989 UP-DND accord.
Kabilang sa listahan si Atty. Rafael Aquino, film director Behn Cervantes, playwright Liza Magtoto, journalist Roel Landingin, at dating Integrated Bar of the Philippines president Roan Libarios.
Inamin ng AFP at ni Lorenzana ang pagkakamali, humingi ng paumanhin at tinanggal sa kanilang social media page ang listahan.