IKINASA kahapon ang dry run ng CoVid-19 vaccination sa vaccination hub na matatagpuan sa Lakeshore Mega Complex, Barangay Lower Bicutan sa Taguig City.
Pinangunahan ang dry run nina Taguig City Mayor Lino Cayetano, Congressman Alan Peter Cayetano, Congresswoman Lani Cayetano, kasabay ng pagbisita ng IATF Code Team na sina Sec. Francisco Duque III, Sec. Carlito Galvez, Jr., at Sec. Vince Dizon, dakong alas 9:00 am.
Ito ay bahagi ng paghahanda ng Taguig city government sa pagdating ng mga bakuna sa bansa sa susunod na buwan.
Katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagtatampok ng kanyang vaccination procedure mula sa transport ng vials buhat sa ORCA Cold Storage Solutions patungo sa pagbibigay ng bakuna sa mga Taguigeño sa Mega Vaccination Hub ng Lakeshore Complex.
Target mabakunahan ang halos 700,000 residente sa lungsod sa loob ng 23 araw.
Mayroong dalawang sinanay na vaccination teams na nasa venue. Limang miyembro ng team ang mangangasiwa sa bakuna at 24 Baranggay Health Workers ang nagsagawa ng kunwaring bakuna sa kasagsagan ng dry run.
Puspusan ang kampanya sa pagbabahagi ng impormasyon ukol sa inihandang pasilidad ng lungsod at sakaling maging availabale ang bakuna, gagamitin ang Taguig ID system para sa pre-registration para sa vaccination, at ng step-by-step vaccination process sa Mega Vaccination Hub.
Tiniyak ng Taguig City government ang agresibo at konkretong plano sa pangkalahatang paghahanda sakaling dumating ang bakuna. (JAJA GARCIA)