TUTULDUKAN na ang pang-aabuso sa mga taga-media kapag naging ganap na batas ang Media Workers’ Welfare Bill. Tiwala si ACT CIS Partylist Representative Rowena ‘Niña’ Taduran na mabibigyan ang lahat ng manggagawa sa media ng karampatang proteksiyon o seguridad sa kanilang trabaho kapag maipasa ang Media Workers Welfare Bill sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa botong 210-0-0, pinabilis ng Kongreso ang pagsasabatas ng panukala ni Taduran. Ang pinagsamang House Bill 8140 na nagsimula bilang House Bill 2476 at inakda ni Taduran, ang magpapabago sa kalakaran ng industriya ng media dahil makasisiguro ang mga mamamahayag, nagtatrabaho sa teknikal at iba pang manggagawa sa media, na mayroon silang proteksiyon sa kanilang trabaho.
Ang pagbibigay ng kapangyarihan at proteksiyon sa mga miyembro ng ika-apat na Estado ay mas makapagpapahusay sa pagbibigay ng katotohanan at impormasyon ng mga nasa media, ayon sa House Asst. Majority Leader.
“Tapos na ang panahong walang kasiguruhan ang isang taga-media sa kanyang trabaho. Hindi na rin puwedeng abusohin ang kanyang kakayahan at karapatan. Hindi na rin siya puwedeng takutin na tatanggalin kahit anong oras,” ani Taduran.
“Hindi na rin ipauubaya sa kapalaran ang buhay ng isang mediaman dahil bibigyan siya ng proteksiyon sa laban. Magkakaroon siya ng tamang gamit, mababayaran nang tama, at may insurance para sa kanyang delikadong trabaho,” dagdag ng mambabatas.
Pinasalamatan ni Taduran ang mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco, dating House Speaker Allan Peter Cayetano, Majority Leader Martin Romualdez, Rep. Eric Pineda, Chairman of the House Committee on Labor and Employment, Subcommittee Chairman Representative Democrito Mendoza, at ang kanyang co-author sa ACT-CIS, na sina Rep. Eric Yap at Rep. Jocelyn Tulfo sa kanilang suporta at dagliang aksiyon sa pagpapasa ng panukalang batas.
Ang lahat ng manggagawa sa media na naka-assign para mag-cover sa mapanganib na pangyayari ay bibigyan ng dagdag na P500 bayad kada araw ng coverage. Bibigyan din ng death at disability benefits na nagkakahalaga ng P200,000 ang maaapektohang manggagawa sa media.
Si Taduran ay dating TV at radio broadcaster bago naging miyembro ng House of Representatives, kaya nakare-relate siya sa plight ng media workers. Ngayon pa lang ay tinatawag nang Champion of Media Workers si Cong. Nina.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio