AMINADO si John Estrada na na-miss niya ang comedy kaya naman natuwa siya na sa wakas makagagawa siya via John En Ellen ng Cignal Entertainment kasama si Ellen Adarna na nagbabalik-showbiz.
Pagtatapat ni John, ”Na-miss ko ang comedy and I am glad gumagawa uli ako ng comedy show,” sambit ni John sa virtual press conference.
May pagkakahawig ang John En Ellen sa John En Marsha kaya naman natanong ang actor kung copy cat ba ito sa show nina Mang Dolphy at Nida Blanca.
“Eto lang po ang sasabihin ko. Wala akong ambisyon na pantayan si Tito Dolphy. Wala po akong ganoong ilusyon o misyon. Sana huwag namang ikompara. Kung ang ‘John En Marsha’ noon ay masarap na adobo, ang John En Ellen’ naman ay masarap na sinigang,” paliwanag ng actor.
Noong Linggo ang pilot episode ng family entertainment na John En Ellen na isang family sitcom na hindi lang magbibigay ng katatawanan at aliw sa mga manonood kundi magbibigay halaga rin sa pagpapatibay ng samahan ng bawat pamilya.
Umiikot ang kuwento ng John En Ellen sa buhay ng mag-asawang John Lennon Kulantong (John) at Ellen Kulantong (Ellen) at kung paano nila maitataguyod ang kanilang munting pamilya sa kabila ng pakikialam ng mayamang negosyanteng si Don Lucky dela Suerte (Ronaldo Valdez), ang big shot na ama ni Ellen na kontrapelo sa mga plano ni John para sa kanyang pamilya.
Kasama ring magbibigay aliw sa John En Ellen sina Long Mejia; Haiza Madrid, at sina Yogo Singh at Angelina Cruz bilang mga anak nina John at Ellen.
Napapanood ang John En Ellen tuwing Linggo, 7:00 p.m. sa TV5.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio