MAHIGPIT na pinababantayan at ipinamo-monitor ni Quezon City mayor Joy Belmonte ang mga hotel na ginagamit bilang quarantine facilities para sa Returning Filipino Workers (RFWs) o overseas Filipino workers (OFWs) mula sa mga bansang may mga kaso ng B.1.1.7 variant o ‘high levels’ ng CoVid-19 community transmission.
Inutusan ni Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD) na magtalaga ng mga pulis sa labas ng mga hotel upang matiyak na ang lahat ng naka-isolate ay makatapos ng kanilang 14-day quarantine period.
“Now that the DOH confirmed the presence of the new strain in several places of the country, the more we need to double our efforts in preventing the spread of the virus. If need be, we can tap our police officers to man these hotels so we can prevent returning Filipinos from leaving without finishing the government-mandated quarantine period,” ayon kay Belmonte.
“Nais nating makatiyak na hindi tayo napalulusutan ng mga hotel sa pagtanggap ng mga bisita na labas sa itinatakda ng ating protocols,” dagdag ng QC Mayor.
Kaugnay nito, inutusan ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang mga hotel na magsumite ng listahan ng RFWs at OFWs na naka-quarantine para estriktong mai-monitor araw-araw.
Ayon kay CESU head Dr. Rolando Cruz, ang lahat ng RFWs at OFWs na nananatili sa hotels ay kailangang tapusin ang 14-day quarantine bago sila payagang makauwi sa kanilang tahanan, kahit na-test sila na positibo o negatibo sa CoVid-19 paglapag nila sa bansa.
“We will not allow them to go home or continue their quarantine at home. It’s part of our protocol to ensure the safety of everyone,” dagdag ng CESU head.
Samantala, batay sa huling anunsiyo ng QC LGU, ‘zero case’ na sila sa CoVid-19 variant B.1.1.7 o UK variant matapos gumaling ang kauna- unahang naitalang index case sa lungsod. (ALMAR DANGUILAN)