BIDA na ang Belladonnas member na si Cloe Barreto!
Nagkaroon na ng katuparan ang matagal na niyang inaasam via the movie Silab na mula sa pamamahala ng award-winning director na si Joel Lamangan.
Si Cloe ay nasa pangangalaga ng 3:16 Events and Talent Management ni Ms. Len Carrillo. Ipinahayag ni Cloe ang kagalakan sa itinuturing niyang biggest break sa showbiz.
Lahad niya, “Masaya po, kasi iyong paghihintay nang matagal, eto na po ‘yung resulta. Nagbunga na po, eto na ‘yung bunga.”
Gaano siya ka-daring sa pelikulang Silab? “Masasabi ko po na parang… sobrang daring talaga,” matipid na tugon ng tsinitang aktres/dancer.
Aminado si Cloe na ang nagpalakas ng loob niya para magpaka-daring sa pelikulang Silab ay dahil ito na ang pinakahihintay niyang break.
“Kasi actually po, ito talaga ‘yung parang gusto ko, like… eto na po ‘yung parang big break ko talaga,” pakli ni Cloe na mapapanood din sa Anak ng Macho Dancer na pinagbibidahan ni Sean de Guzman.
Dagdag niya, “Kaya parang pumasok sa isip ko na, ‘Gagawin ko ang lahat’, ibibigay ko po ang lahat para sa pelikulang ito. Kasi ito na po ‘yung pinakahihintay ko nang matagal na matagal na, e.”
Inusisa rin namin kung bakit siya nagpalit ng screen name? “Kasi po parang pina-feng shui po, so, sana po maging suwerte nga iyong name na ito,” tugon niya na unang nakilala sa showbiz bilang Chloe Sy.
Second time na niya with Direk Joel, anong klaseng experience na ma-handle siya ng isang premyadong direktor? “Noong una po, nakakakaba talaga, kasi naririnig ko po sila na ganito, ganoon… Pero para sa akin po kasi, parang challenge po para mas mailabas ko pa ‘yung dapat kong ilabas and para rin po hindi mapagalitan ni Direk,” nakangiting wika ni Cloe.
Mula sa panulat ni Raquel Villavicencio at under ng 3:16 Media Network, tampok din sa Silab sina Jason Abalos, ang kapatid ni Cloe sa 3:16 Events and Talent Management na sina Marco Gomez at Quinn Carrillo, Lotlot de Leon, Chanda Romero, Jim Pebanco, at iba pa.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio