NAGULAT tayo sa hinaing ng netizens na naipaabot sa atin hinggil sa kanilang nawawalang mayor.
Ayon sa netizens ng Navotas, nawawala umano at nagtatago pa raw ang kanilang punong-bayan na si Toby Tiangco sa kanyang bahay mula nang sumambulat ang CoVid-19 pandemic.
Nagtataka tayo dahil ‘masipag’ magpadala ng press release ang tanggapan ni Mayor Toby sa CAMANAVA reporters pero haya’t hindi naman pala nagpapakita si Mayor Toby sa kanyang constituents?!
Sa post ng mga mamamayan ng Navotas, halos isang taon na umano nilang hindi nakikita si Mayor Tiangco sa city hall.
Hindi rin umano gaya ng ibang alkalde na nangunguna sa mga gawain ng IATF ng lokal na pamahalaan mula nang unang magdeklara ng community quarantine ang pambansang pamahalaan.
“Sa Navotas ka lang makakikita na lalabas lang ang mayor kapag botohan na,” ayon sa isang post ng isang netizen.
May isa pang nag-post ng group picture nila ni Tiangco noong panahon ng eleksiyon at nagpakilalang isa raw siya sa mga angel ni Tiangco na humihingi at nagmamakaawa ng tulong mula sa mayor ng Navotas ngunit walang napala.
Tinuligsa ng ilang Navoteño si Tiangco na nangakong ido-donate ang kanyang sahod bilang alkalde mula Abril 2020 hanggang 2022 para sa mga nasasakupan na naapektohan ng pandemya.
Pero bukod nga raw sa hindi nagpapakita sa city hall, nag-isyu pa ng direktiba na higpitan ang panghuhuli sa mga lumalabag sa pagsusuot ng facemask at face shield. Mahigpit pa raw ang tagubilin ni Tiangco sa mga opisyal ng barangay na dapat mas marami silang huli kaysa mga pulis.
OMG!
Totoo ba ito, mayor Toby?!
Kaya imbes ayuda ang matanggap ng mga Navoteño, o abutan ng facemask, ticket na may kaukulang multa ang kanilang pinagpipiyestahan ngayon.
“Ibibigay ko ang buong sahod pero manghuhuli muna ako. Dapat quota,” ayon naman sa post ng isang residente ng Navotas, na tila pasaring sa alkalde.
Sari-saring reklamo ang nai-post sa social media kaugnay ng reklamo sa panghuhuli ng mga tauhan ni Tiangco sa mga paglabag sa pagsusuot ng facemask at face shield gaya ng isang nagsasabi na kumuha lang ang kanyang ina ng groceries sa labas ng bahay nang biglang hinuli.
‘Yung isa naman ay hinuli habang nag-aabot ng bayad sa kanyang online delivery gayong nasa bakuran pa. At ang isa naman ay nagbaba lang ng suot na facemask para magpunas ng pawis ay hinuli na agad.
“Wala silang konsiderasyon dahil sa quota ni Mayor Tiangco. Sa Mandaluyong nga at sa ibang lugar, namimigay pa ang mga pulis ng facemask at face shield, dito sa Navotas, daig pa ang martial law,” ayon sa isang Navoteño na ayaw ipabanggit ang pangalan.
“Maraming salamat sa ayuda, Mayor. Malaking tulong ito lalo na sa panahon ng pandemya,” post ng isang residente, kasama ang retrato ng kanyang Ordinance Violation Ticket.
Sabi ng isang residente, dahil sa quota ng mga pulis, sa utos ng kanilang Mayor, kahit loob ng bakuran pinapasok para lamang manghuli ng umano’y lumabag sa ‘di pagsusuot ng facemask.
Maalalang ang walang pahintulot na pagpasok ng pulis sa mga bakuran ng mga pribadong mamamayan ang isa sa mainit na isyu sa community quarantine.
At ang pinakamalala umano rito, ayon sa netizens, isa-isa silang pinupuntahan ng mga tauhan ni Mayor upang ipabura ang kanilang mga reklamo at kahit anong ipino-post sa social media na hindi nagustuhan ni Mayor.
Arayku!
Mayor Toby, ganyan ba ngayon sa Navotas?!
“Grabeng pahirap ni Toby Tiangco. Mukhang binabawi ang ginastos at ibinayad niya noong kampanya,” ayon sa isa pang residente.
Imbes ayuda, at ‘di nga raw nagpapakita sa kanila ay puro pahirap pa ang nararanasan nila ngayon sa mga tauhan ng punong bayan.
Tsk tsk tsk… mabibigat ang mga upasalang gaya ng binabanggit ng netizens sa social media.
Mayor Toby Tiangco, bukas po ang ating kolum para sa paliwanag ninyo.
MAG-INGAT SA SHELL
TAMBO, PARAÑAQUE
ISANG modus operandi ng mga tutok-salisi ang dapat pag-ingatan diyan sa Shell gas station sa Tambo, Parañaque City.
Kamakalawa (Martes), 19 Enero, isang kabulabog natin ang naparaan sa Shell gas station sa Tambo.
Isang lalaking naka-puting T-Shirt ang nagsabi sa kanya — “May ‘ano’ sa likod mo!”
Sumagot naman siya: “Ano’ng ano?”
“Tingnan mo!”
Dahil sa pag-aalala na may nangyari sa sasakyan niya, bumaba ang kabulabog natin at tiningnan ang likod ng kanyang sasakyan.
Dahil wala naman siyang nakitang dapat niyang ikabahala kaya minabuti niyang manubig sa comfort room.
Heto na, pagpasok na pagpasok niya sa CR, naramdaman niyang may sumunod sa kanya at siya ay tinutukan sa likod: “Akina ang cellphone mo.”
Hayun, goodbye Oppo!
Hindi tayo nagpapasalamat na cellphone lang ang nakuha sa kabulabog natin, dahil ang pag-iral ng ganyang klase ng modus operandi sa bisinidad ng isang gas station na hindi nawawalan ng tao ay nangangahulugan na sobrang lakas ng loob ng mga notoryus na holdaper.
Nagtataka rin tayo kung bakit walang security guard ang nasabing gas station?!
Ilan na kaya ang nabiktima ng tutok-salisi sa nasabing gas station?!
Attention Parañaque police chief, Col. Robin “King” Sarmiento!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap