LIKAS talaga ang pagiging business minded at masipag ni Kitkat. Matapos kasing magsara ang kanilang mga negosyo dahil sa pandemic, ngayon ay nagbukas muli ng food business ang magaling na singer/comedienne/actress.
Ito ang Miyagi Sushi na perfect na perfect sa mahihilig sa Japanese food. Matatagpuan ito sa Cubao Expo, #3 General Romulo Avenue, Araneta Center, Cubao, Quezon City.
Ipinagmamalaki ni Kitkat ang kanilang Miyagi Sushi. “Affordable Japanese food po at super magaling na chef po ‘yung chef namin sa Miyagi na galing din sa mga sikat na Japanese resto.”
Aniya, “Last week po, noong Tuesday nagbukas, matagal na pag-iisip ang ginawa namin, kasi wala pa ulit pondo talaga. Tapos may mga ibang tao kami sa mga dating business na kinuha namin muli.”
Ipinahayag ni Kitkat na bata pa lang ay exposed na siya talaga sa restaurant business.
“Sa side ko po kasi, bata pa talaga ako may resto na kami palagi, sila Walby (Favia, husband niya) din palagi silang may resto. Plus, chef ang nanay at kapatid n’ya po, ‘di ba? So ngayon, tandem sila ni kuya ko riyan sa Miyagi.”
Third resto business na pala ito nina Kitkat, pero bumigay ang naunang dalawa dahil sa tindi ng epekto ng CoVid-19.
“Pangatlong resto business na po namin ito, pero ‘yung dalawa sarado na po. Iyong photo video business namin ay sarado na rin po at ang talyer/carwash. Pati fish pond, sarado na rin po. Lahat po, sabay-sabay talagang tinamaan noong nagkaroon ng pandemic,” esplika pa niya.
Aniya, “Sa ngayon ang business na isa ni Walby ay iyong salmon, tuna, at tiger prawns na siya mismo ang nagde-deliver din. Ako naman po, iyong Beautederm.”
Bukod sa endorser ng Beautederm, online reseller din si Kitkat ng produktong ito na pinalago ng President at CEO nitong si Ms. Rhea Tan.
“Opo online reseller din ako ng Beautederm, kasama po talaga iyon noon pa, hahaha! Kaya lang, madalas ipinamimigay ko, kaya minsan ay hindi ako kumikita, hahaha!” Pabungisngis na esplika pa niya.
Ano bale ang papel niya sa kanilang resto business? Tumutulong ba siya sa pagma-manage or taga-kain lang?
Nakatawang lahad ni Kitkat, “Taga-finance! Hahaha! Tsaka po nagmi-meeting kami lagi kung ano ang dapat na mga menu, itsura, etcetera.
“Sakto, pati itsura, iyong bunsong kapatid namin ang nag-design, kasi architect po iyon.”
Pahabol pa niya, “Ako na nga ang nag-finance, pero nagbabayad pa rin ako kapag kumakain ako at friends ko. Bawal ang utang, kahit kuya ko nagbabayad, kahit si Walby.”
Incidentally, congrats kay Kitkat dahil bukod sa noontime show nilang Happy Time nina Janno Gibbs at Anjo Yllana, part na rin siya ngayon ng sitcom ng Net25 na Kesaya-Saya na napapanood every Sunday, 6:30 p.m. Kaya dalawa na ang show niya sa Eagle Broadcasting Corporation.
Ang Kesaya-Saya ay tinatampukan nina Robin Padilla, Vina Morales, Pilita Corrales, at iba pa.
“Sobrang pasalamat ko sa EBC-Net25 at talagang iyon nga lagi kong sinasabi, Divine intervention na mapunta ako riyan at handpicked po talaga…
“Simula financially pati emotionally, ang laking tulong po ng Happy Time po talaga at ngayon may dagdag pang Kesaya-Saya,” masayang bulalas ng talented na si Kitkat.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio