ABALA siya sa pag- aasikaso sa dalawang vlogs niya na ilulunsad very soon. May kinalaman ito sa pagiging karerista niya. Kaya bukod sa pagbisita sa kanilang ancestral home sa Naga, isinabay na rin ni Konsehal (ng Unang Distrito ng Parañaque) Jomari Yllana ang pagkuha ng clips for his vlogs.
“Hindi naman nasalanta ng bagyo ang kabahayan dahil lahat ng pundasyon niya eh, gawa sa narra. May mga puno lang na nagbagsakan.
“Kasama rin kasi sa plano ko ‘yung gawin din itong museum para sa memorabilia ng trophies, mga napanalunan ko sa car racing and other things. At kung magiging maayos na ang lahat, ‘yung itatayo kong Academy for Car Racing. Dito and internationally.”
Lovelife? Tahimik. Sa piling ni Abby Viduya. Na kahit abala sa pagbebenta ng mga alahas eh sinasamahan pa rin si Jom sa mga pag-iikot sa Kabikulan.
Intriga? Oo! Kahit tatlong taon na palang umano’y pine-peste sa social media ng sari-saring kasiraan ng ex niyang si Joy Reyes (kung kanino may dalawa siyang anak) ay hindi na niya pinapansin.
Hanggang lumabas na naman ang panawagan nito sa social media na naputulan siya ng koryente at umabot sa P100K ang bayarin.
Pinabulaanang lahat ‘yun ni Jomari. Dahil lahat ng gastusin sa townhouse nina Joy at mga anak eh, sinasagot niya. Kaya tinatanong nga niya kung kanino ba nakapangalan ang bill nito sa koryente.
Kahit sa pangangailangan ng kanilang mga anak, lalo na sa gatas ng mga ito eh, hindi siya nagkukulang sa pagpapadala. Pati na ang bayad sa townhouse.
“Kaya alam kong nagsisinungaling na naman siya sa lahat ng gusto na naman niyang isira sa akin. Ano ‘yun? Last September, nabayaran ko ang koryente niya. Ngayon, pina-check ko, naputulan nga siya. P33K a month? Ipinapadala ko ang pambayad para roon. May times sumasablay. Pero hindi pwedeng hindi ‘yun bayaran.
“Natuklasan ko pa, kasi may nag-send din sa akin, na nagbebenta siya online ng mga gatas at iba pang gamit ng mga bata. Pina-check ko sa staff ko. Pinabili ko sila. Tama. Sa kanya nga.
“Lahat ng kailangan sa bahay, gagawing sirang bubong, gripo, kung anuman, nagpapadala ako ng tao ko na gagawa niyon. Minsan, ipinadala ko ‘yung gagawa ng bubong, ginawan pa nila ng barangay chairman ng istorya ‘yung tao at ipinakulong pa nila.”
Kaya sa puntong ito nga, hindi na rin makapagtitimpi si Konsi at itutuloy na niya ang pagkuha sa kustodiya ng mga anak.
“Mahal ko ang mga anak ko. I want what’s best for them. Buti na lang nakakausap ko ang yaya ng mga bata. May mga times daw na may mga bumibisita kay Ms. Reyes sa bahay niya. Nagpapa-picture pa nga raw sila, eh. Tapos nandoon na sa kwarto niya. Bahay din ‘yun ng mga anak ko.
“Sa sworn statement ng mga yaya sent to me, nakalagay naman doon at identified nila kung sino ‘yung mga bumibisita sa kanila. A certain Mr. Sarmenta, a certain Mr. Contis, and a certain Mr. Fructuoso.”
Ha?
“Kaya huwag din niyang sabihin na nawalan kami ng communications. Dahil on special occasions na gusto naming makasama ang mga bata, lalo na ng Lola nila, sinasagot naman niya ng ‘No, thanks’ ang invitations namin ‘pag nalalaman niya na sa Parañaque namin dadalhin ang mga bata. Ilang beses ‘yun.
“Mensahe ko lang kay Ms. Reyes, sa buong panahong nakilala siya ng pamilya ko, maski noong wala na kami wala siyang narinig na kahit na anong pangit na salita from them. Pinakisamahan siyang mabuti. Kaya bakit niya ako sinisiraan ng ganito? Utang na loob, Ms. Reyes, wala kang narinig sa akin noong matuklasan kong may asawa ka na at tatlong anak. Tatlong taon mo na akong binabanatan sa social media.”
Samantala, masaya naman si Jomari sa ikot ng buhay ng dalawa pang babaeng nagkaroon ng kaugnayan sa kanya.
“I can only wish the best of wishes for Hazel (Ara Mina) and her boyfriend. Ganoon din kay Aiko (Melendez) and Vice-Governor Jhay. More power and all the best. Nakikita ko at nalalaman from Andre and Marthena kung gaano kasaya now ang Mom nila.”
Babalik sa telebisyon soon si Jom sa isang serye.
Ano kaya kung magkasama-sama sila ng mga ex niyang sina Ara at Aiko in a project plus Abby? Masaya, ‘di ba?
“Wala namang problema. At ayos naman na lahat. Eh, minsan mayroon lang talagang sumasamang off. Ka-cheap-an!”
‘Di ako maka-get over sa tatlong pangalan. Kilala ko kaya sila? Sana naman magka-kapangalan lang sila!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo