PATAY ang isang ginang nang malapitang barilin sa mata habang naglalaro ng game sa cellphone sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Pag-asa, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat kay P/Brig. Gen. Danilo Mancerin, Quezon City Police District (QCPD) Director, ang biktima ay kinilalang si Yolanda Cariaga, alyas Dian, 47 anyos, walang asawa, residente sa T. Sora St., San Roque-2, Barangay Pag-asa, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 1:40 am, 18 Enero, nang maganap ang pamamaril sa loob mismo ng tahanan ng biktima.
Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Marvin Masangkay, naglalaro ng game sa cellphone ang biktima nang pasukin ng hindi kilalang lalaki ang bahay at pinaputukan ng baril sa kanang mata.
Sinabi ng dalawang kasama ng biktima, dahil sa lakas ng putok ng baril ay nagising sila at doon ay nakita nila ang isang lalaki na nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay, habang duguang nakabulagta si Cariaga.
Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaslang. (ALMAR DANGUILAN)