NAKITA natin ang repost sa social media ng premyadong aktres na si Ms. Elizabeth Oropesa hinggil sa kawalang modo ng ilang staff ng kilalang Bag of Beans sa isang branch nito sa Tagaytay City.
Ang reklamo ay ukol sa pambabastos sa mga senior citizen.
Pero hindi lang pala ‘yung ini-repost ni Ms. Oropesa ang biktima, mismong staff natin sa HATAW ay nabiktima pala ng nagpakilalang chief operations officer (COO) ng nasabing café sa isa rin nilang branch.
Dahil sa ambiance at espasyo, doon piniling magkape ng mga staff natin kasama ang dalawa pang kaibigan bago lumuwas ng Maynila noong Oktubre 2020.
Kung hindi tayo nagkakamali, medyo maluwag na ang sitwasyon noon.
Pumasok ang mga staff natin at dumaan pa sa patissiere para bumili ng tinapay, kape, at mug. Pagkatapos dumeretso na sa loob para mag-dine-in.
Tumawag sila ng waiter at umorder. Habang naghihintay ng waiter heto na lumapit na si Ms. COO. Sinisita na ang mga staff natin at ang dalawa nilang kaibigan dahil may kasama silang senior citizen (SC but not 65 years old).
‘Yung isa pang staff natin dahil type niya ang salt & pepper na hair akala senior citizen na rin he he he…
Sa madaling sabi, gusto ni Ms. COO na palabasin ang kasama nilang senior citizen, at may ipinakausap pa sa kanilang Tourism officer umano sa cellphone.
Mantakin naman ninyo naka-order na at prenteng-prente na sa pagkakaupo, gusto pang palabasin ang customers?!
Sumusunod lang daw sila sa utos ng IATF.
Sabihin na nating sumusunod, e dapat pala sa main entrance n’yo palang maglagay na kayo ng ‘checkpoint’ o tumawag na kayo ng pulis at gawin ninyong guwardiya.
Isara ninyo ang pinto ng restaurant ninyo at lagayan ninyo ng malaking “senior citizens” not allowed.
Better yet, magsara kayo nang tuluyan kung hindi kayang magrespeto ng mga staff ninyo lalo ng COO ninyo sa senior citizens.
Simple common sense lang naman ‘yan, kung mayroon namang sapat na social distancing ang set-up ng restaurant kailangan pa bang ‘ipahiya’ ang mga senior citizen?!
Overacting to the max ang kabastusan ng ilang staff ng nasbaing café.
Hindi ba nila naiintindihan na grabeng stress ang nararanasan ng mga senior citizen kaya ipinapasyal sila ng pamilya nila?!
Pero dahil sa ginagawang trato ng Bags of Beans sa senior citizens na ‘nagkakamaling’ makapasok sa establisimiyento nila, nadadagdagan sila ng ‘trauma.’
Pero noong malaman ni Ms. COO na naka-order na ang staff natin, aba, hindi na niya mapaalis. Hindi na niya maipatupad ‘yung sinasabi nilang ‘policy.’
Nagtataka tuloy tayo kung bakit ganito ang oryentasyon ng “Bag of Beans” sa kanilang mga empleyado.
Wala ba silang puso sa senior citizens natin?!
Uulitin lang po natin, kung hindi ninyo kayang maging magalang sa mga senior citizen, magpahinga muna kayo habang may pandemic.
‘Yun lang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap