KAHIT nangunguna sa red-tagging sa ilang progresibong mambabatas at organisasyon sa Filipinas, itinuturing ni Pangulong Rodrigo Duterte na BFF o best friend forever ang komunistang bansang China.
Kilalang red-tagger at ninanais ipatanggal ni Pangulong Duterte sa 1987 Constitution ang probisyon kaugnay sa partylist system upang hindi na makalahok sa eleksiyon ang mga progresibong partylist representatives na iniuugnay niya sa Communist Party of the Philippines (CPP) na kritikal sa kanyang administrasyon.
Ngunit sa sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na presyong BFF ang ibinigay ng China sa Filipinas para sa bakunang Sinovac, inirason niyang komunistang bansa ito kaya hindi mahilig tumubo.
“Alam ninyo kasi ang China, hindi ‘yan kapitalistang bansa. Komunista ‘yan. So their prices are not driven by market forces,” depensa ni Roque sa kritisismo sa pangalawa sa pinakamahal na CoVid-19 vaccine ang Sinovac.
“I can assure you, nabigyan po tayo ng presyo na ukol lamang sa kanilang BFF,” ani Roque.
Bagama’t todo-depensa sa Sinovac, ayaw kompirmahin ng Palasyo ang inihayag ni Sen. Sonny Angara na nasa P3,629.50 ang Sinovac para sa dalawang doses, ang ikalawang pinakamahal sa brands kasunod ng bakuna ng Moderna na nasa P4,504/dalawang dose.
“I’m not at liberty but I can say, sa lahat po ng oorderin natin, hindi po pinakamahal ang Sinovac. Kung hindi po ako nagkakamali, pangatlong pinakamahal lang po siya out of six brands. It is in the mid-range. So wala pong katuturan ang inginangawa ng mga kritiko na napakamahal ng Sinovac,” depensa ni Roque
Nag-apply kahapon para sa emergency use authorization (EUA) ang Sinovac upang agad na magamit kapag dumating na ang 25 milyong dose sa susunod na buwan.
Kahapon ay ginawaran ng EUA ng Food and Drug Administration (FDA) ang Pfizer Inc., at ang German partner nitong BioNTech SE ang isa pa sa ginawaran ng EUA ng Food and Drug Administration (FDA).
(ROSE NOVENARIO)