GAME na game na sinagot ni Matteo Guidiceli ang katanungan namin noong digital media conference ng bago nilang show ni Kim Molina mula sa Viva TV at TV5, ang Born To Be A Star na mapapanood na sa January 30.
Naitanong namin kay Matteo kung papayagan ba niya ang kanilang magiging anak ni Sarah Geronimo na pasukin ang showbiz?
Walang kagatol-gatol nitong sinagot ng, ”opo.” At sinabing, ”Siyempre, kung anuman ang gustong gawin ng baby namin in the future, eh, ‘di suportahan natin, ‘di ba?”
Sina Matteo at Kim ang host ng nasabing reality singing competition. Makakasama nila sina Andrew E, Teacher Georcelle, Jenine Teñoso, Sam Concepcion, at Katrina Velarde bilang mga judge.
Sumunod na naitanong namin kung naniniwala rin ba siyang ‘born to be a star’ ang magiging anak nila ni Sarah.
Tugon niya, ”Tingnan natin, si Teacher Georcelle ang bahalang mag-groom diyan kumbaga. Pasalihin din natin sa show na ‘to ha, Sir Jake?” na ang tinutukoy ay si Georcelle Sy ng G-Force na isa nga sa mga star agent o judge ng programa at si Jake o Jay Montelibano na executive ng Viva TV.
“This show is really really exciting because, first off, you have Kim Molina. She’s a very, very funny, energetic host.
“And of course, we have these star agents na tinatawag namin. They have their own specific personalities that will shock all our ‘talaviewers.’
“And also our applicants (contestants), they’re very, very good and they come from different backgrounds na siguradong mag-e-enjoy ang talaviewers nating lahat,” sambit ni Matteo.
Samantala, ipakikita sa Born To Be A Star ang journey ng mga contestant simula audition na masusi silang pagpipilian ng Star Judges.
Labing-walo mula sa 40 na nag-audition ang tutuloy sa boot camp na sasailalim sa training ng mga Star Mentors na sina Thyro, Wency Cornejo, at Mark Bautista na kapwa eksperto sa pagpe-perform, pagsusulat ng kanta, at paggawa ng areglo ng musika. Ang Star Judge na si Teacher G ay kasama rin sa pagtuturo para ma-develop ang stage presence ng mga kalahok.
Sa oras na magsimula ang singing battle, magkakaroon ng eliminasyon. Sisiguraduhin ng programa na kahit sinoman ang mapauwi ay may baon pa ring bagong kaalaman.
Habang hinahanap ng Born To Be A Star ang natatanging contestant na pinakaangat sa lahat, ang lahat ng kalahok ay bibigyan ng kanilang sariling panahon para angkinin ang entablado at ipakita ang kanilang husay sa pagkanta, pati na rin ang magandang personalidad.
Lahat ay may pagkakataong ipakita kung bakit sila ay bituin sa kanilang pamilya, trabaho, o komunidad.
Tatanggap ng P1-M ang tatanghaling grand champion gayundin ng recording at management contract mula sa Viva. Magsisimula na ang Born To Be A Star sa Enero 30, Sabado, 7:00 p.m. sa TV5.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio