REYNA ng pandemya kung tawagin ko ang komedyanang namamayagpag sa pagiging host niya sa noontime show na Happy Time sa Net25, kasama sina Janno Gibbs at Anjo Yllana.
Kasi nga, nang mangyari ang pandemya eh, at saka dumating ang biyaya sa kanya para maging host sa nasabing palabas na ilang linggo pa lang napapanood eh, naka-alagwa na sa ere at lumaban sa mga nakatapat nitong programa na ang tagal na sa kanilang timeslot.
Handpicked ng pamunuan si KitKat Favia para magdala ng show at isinama nga ang dalawa pang komedyanteng nakilala sa kanya-kanyang estilo rin nila sa pagpapatawa.
At ngayon nga, isa na namang palabas sa nasabing estasyon ang gagalawan ni KitKat, sa Ke Saya Saya.
“Maiiba naman ito sa pagho-host ko sa ‘Happy Time,’ Mama. Kasi kung dito sa nakikita ako tuwing tanghali, fully made up ako at con todo preparations sa mga isinusuot ko sa opening numbers with the production numbers, sa bagong show, wala akong ka-make-up make-up kasi katulong ang role ko. Katulong ni Mommy Pilita (Corrales).”
Sa mga programa sa Net25, marami ang hindi nakaaalam na maraming mga tao na palang natulungan si KitKat sa pagre-rekomenda niya sa mga nagkaroon ng trabaho roon. Hindi siya TC o talent coordinator pero swak naman ang mga talentong naipapasok niya roon na pumapasa siyempre sa gusto ng management sa paglalagyan nila ng mga programa.
Pansin namin, sa rami nga kasi ng alam na gawin ni KitKat, sa kanyang pagiging maabilidad, kaya magaan ang pasok ng suwerte sa kanya.
Sa mga ginagawa lang nito sa TikTok, sangkaterbang followers niya ang hindi na bumitaw sa pag-aabang sa mga mapapanood sa kanya.
“Kaya natutuwa sa akin, ‘Ma ang mga ini-endorse kong mga produkto dahil marami akong followers at nai-influence ko rin sila sa magandang paraan. Kaya nakatulong din ‘yun sa akin sa show kasi, na ako makikita o mapapanood, follow naman sila.”
Happy ang buhay ni KitKat sa piling ng kanyang partner na si Walby Favia. May anak na si Walby sa past relationship nito.
“Pero kahit hindi pa kami binibiyayaan ni Lord ng magiging baby namin, hindi namin ‘yun nire-regret. Siyempre, hindi naman natin ‘yun maididikta. Sumasama lang ang loob ko sa mga taong mas may pakialam pa sa hindi namin pagkakaroon ng anak. At ginagawang butt of joke ito ‘di ba?”
Sa punto naman ng pagnenegosyo ng kanyang partner, natigil ang isang restaurant nila nang magka-pandemya pero nagpatuloy si Walby sa pagde-deliver niya ng salmon at iba pang seafood sa sari-saring establishments.
“’Di ba, ironic? Kailan lang natamaan kami ng food poisoning sa kinain naming raw food. Buti na lang naagapan naman kaming lahat sa bahay. Ngayon, naisip nila ng brother ko na mag-open nitong Sushi Bar, ang Miyagi sa Cubao Expo sa Araneta Center in Cubao.”
Ayon kay Walby, ang Miyagi ay isang popular na lugar sa Japan na nagse-serve ng sushi.
Kasama ang ilang malalapit na kaibigan, dahil hindi pa nga pwede ang maraming tao sa isang lugar, napasinayaan na nila ito para mabuksan.
Puntahan naman na noon pa ang Cubao Expo dahil sa mga tindahan doon hindi lang ng sapatos kundi iba pang mga bagay at marami ring hanay ng mga kainan.
“Gusto lang naman din namin na makatulong pa sa iba naming mga tauhan from the other restaurant though ang iba nakahanap na ng ibang mga trabaho and ‘yung makapag-serve ng pagkaing masarap at affordable.”
Eh, para namang may Midas Touch ang KitKat. At kahit ano ang pasukin eh, parang asukal na sinusundan ng langkay-langkay na mga langgam.
Masipag, disiplinado, walang tinatapakan din sa kanyang trabaho.
Kaya nga, happy na kay saya-saya pa. Eh, saan ka pa?
HARD TALK!
ni Pilar Mateo