ni ROSE NOVENARIO
IBINAGSAK ng China ang presyo ang CoVid-19 vaccine na Sinovac kaya ito ang napili ng administrasyong Duterte na unang ituturok sa milyon-milyong Pinoy sa susunod na buwan kahit may ulat sa ilang trial ay mas mababa ang efficacy rate – o antas ng pagiging epektibo.
“Nakikita po namin na very fair po iyong treatment namin po sa Sinovac dahil binagsak niya po iyong ano — tinatawag naming iyong ano, napakabait po ng ating mahal na Chinese Ambassador na ibinigay po iyong best price,” ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr.
Kung base aniya sa Covax facility price, mababawasan ng halos 300% ang presyo ng Sinovac mula sa kanyang market price kaya magiging kapresyo nito ang iba pang CoVid-19 vaccine.
Hindi isiniwalat ni Galvez ang presyo ng iba’t ibang bakuna. Ang Covax facility ay isang global partnership na nagtitiyak na magkakaroon ng access sa bakuna ang lahat ng bansa.
“Sa negotiation po, mayroon tayong tinatawag na dalawang price po iyan – market price at saka Covax price. Iyong Covax price po bababa po nang mahigit na almost 300% ang (kaniyang) price,” ani Galvez.
Mali aniya ang inilabas na listahan ni Senator Sonny Angara kaugnay sa mga presyo ng CoVid-19 vaccine na ang Sinovac ang pangalawa sa pinakamahal sa presyong P3,649 para sa dalawang dose.
Base sa listahan ni Angara, ang presyo ng Sinovac ay P3,629 para sa dalawang dose ay mas mataas kompara sa Pfizer-BioNTech (P2,379); Gamaleya (P1,220); Covax Facility (P854); AstraZeneca (P610); at Novavax (P366).
“Mali po iyong information ng ating mahal na senator dahil kasi po iyong Sinovac, kapresyo niya po ang Novavax, kapresyo niya po ang Gamaleya, kapresyo niya po iyong ibang vaccines,” giit ni Galvez.
“At iyong sinasabi natin na 5 times mali po iyon, ang ano po natin, hindi ko lang po mai-reveal ang lahat ng mga cost ng different vaccine. Nasa middle po ang Sinovac, mas mura po (siya) sa Moderna, mas mura po siya sa ibang vaccines ng US,” sabi niya.
Binigyan diin ni Galvez, ang Sinovac ay ginagamit sa iba’t ibang bansa maliban sa China kaya’t dapat tanggalin na ang diskriminasyon dito.
“Tanggalin na natin ang discrimination sa ibang vaccines. Ginamit na nga ng Malaysia, Singapore, Turkey, Argentina. Bakit hindi natin gamitin sa atin?” aniya.
Target ng pamahalaan na makakuha ng 25 milyong dose ng Sinovac sa unang quarter ng 2021 kahit magkakaiba ang efficacy rate nito, 50% sa Brazil, 65% sa Indonesia at 91% sa Turkey.
Tiniyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi papasok ang gobyerno sa kasunduan na maaagrabyado ang mga Filipino.
“Hindi papasok ang gobyerno kung tayo ay malulugi. We have a portfolio of vaccines. Itong mga presyo na nakikita ng publiko ay market prices. Pero sila ay nakikipag-negotiate,” ani Vergeire.
“We would like to assure the public that we will only procure vaccines which are safe and efficacious,” dagdag niya.