INATASAN ng Palasyo ang embahada ng Filipinas sa Amerika na i-monitor kung may nasaktan o nadawit na Pinoy sa naganap na riot ng mga tagasuporta ni outgoing US President Donald Trump sa Capitol Building sa Washington, D.C.
Pero hindi maikakaila na may kasamang Pinoy na lumusob sa US Congress dahil bumandera sa social media ang larawan ng isang babae na may face mask na may disenyong nakabaligtad na US flag at itinaas ang hawak na walis tambo.
“Nagsalita na po ang ating Secretary of Foreign Affairs, kampante po ang ating Secretary of Foreign Affairs na hindi naman po matitinag ang demokrasya riyan sa Amerika sa panandaliang pagkakagulong nakikita natin. Ang importante lang ngayon ay masiguro na walang Filipino po na mapapasama riyan sa gulo na iyan at inatasan naman po talaga ang ating mga embahada at ang ating consular office sa Washington, D.C. na mag-monitor at ibalita kaagad kung mayroon pong nasaktan or nadawit na mga Filipino riyan,” pahayag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Naganap ang riot, ilang oras matapos himukin ni Trump ang mga tagasuporta na tutulan ang ceremonial counting ng electoral votes sa US Capitol building na magkokompirma sa pagkapanalo ni US President-elect Joe Biden noong nakaraang November election.
Ayon sa report, isang babae ang napatay matapos mabaril sa dibdib nang sumiklab ang kagulohan.
Kinailangan pang gumamit ng flash bang at tear gas ang mga awtoridad upang itaboy ang mga raliyista sa loob ng gusali.
Sa kabila nito’y natuloy pa rin ang pormal na sertipikasyon ng US lawmakers kay Biden na nagwagi sa presidential election na nagbigay daan sa kanyang inagurasyon sa darating na 20 Enero 2021.
Mismong si Republican Vice President Mike Pence ang nagsertipika sa Electoral College count na 306 electors pabor sa Democrat laban sa 232 ni outgoing Republican President Trump.
Nagpasya ang Facebook at Twitter na i-block ang account ni Trump bunsod ng nangyaring Capitol riot.
(ROSE NOVENARIO)