TUMAKAS sa kulungan ng Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station 11 ang apat na preso na nagawang lagariin ang rehas na bakal kahapon ng madaling araw sa lungsod.
Kinilala ni QCPD Director P/BGen. Danilo Macerin ang mga nakatakas na sina Glenn Louie Limin alyas Glen, nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002, residente sa Brgy. 150 Bagong Barrio, Caloocan City; Marvin Inciong alyas Inok, may kasong paglabag sa RA 9262, Sec. 11 at 12, may warrant of arrest sa kasong Robbery at R.A. 6539, nakatira sa Boracay Subd., Brgy. San Isidro, Parañaque City; Joel Sanchez, alyas Jovan Tokwa, robbery hold-up, residente sa Kabignayan St., Brgy. Tatalon QC; at Ronald Buenafe, aka Totie, may kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng RA 9165, residente sa Lumot St., Brgy. Tatalon QC.
Base sa ulat, dakong 2:58 am nang mangyari ang insidente sa loob mismo mg Galas Police Station 11.
Sa kuha ng CCTV, nakatakas ang mga preso nang maputol nila ang rehas at isa-isang lumusot at tumakbong palabas ng presinto para tumakas.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni P/BGen. Macerin ang manhunt operation laban sa mga suspek at sinibak na rin ang nakatalagang duty jailer.
“I have directed all our station commanders and chief of offices to fortify their security protocols and procedures sa detention facilities,” saad ni Macerin.
Sinabi ni Macerin, kasong “evasion through negligence of the Republic of the Philippine Constitution under article 22” ang kasong kakaharapin ng duty jailer dahil sa pagpuga ng mga preso.
(ALMAR DANGUILAN)