BINAWIAN ng buhay kahapon si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim, walong araw matapos niyang ihayag na positibo siya sa CoVid-19.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo sa naulilang pamilya ni Lim, 65-anyos, at kanyang mga kasamahan sa MMDA.
“MMDA Chair Lim served the Duterte Administration with professionalism, competence and integrity. He would be dearly missed,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang kalatas.
Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lim bilang MMDA chairman noong Mayo 2017.
Natalo sa pagka-senador si Lim noong 2010 elections sa ilalim ng Liberal Party (LP) at naging Customs deputy customs commissioner sa administrasyong Aquino.
Si Lim, bilang isa sa mga lider ng Young Officers Union (YOU) ang isa sa mga nanguna sa pinakamadugong kudeta noong 1989 na muntik magpabagsak sa administrasyong Cory Aquino.
Naging katuwang rin si Lim ng Magdalo Group na nagtangkang magpatalsik sa gobyernong Arroyo noong 2006.
Pinalaya si Lim, kasama si Sen. Antonio Trillanes IV at iba pang miyembro ng Magdalo Group sa kasong rebellion nang pagkalooban ng amnesty ni AQuino noong 2010.
(ROSE NOVENARIO)