HINDI nakontrol ng pulisya sa lungsod ng Maynila at maging si Mayor Isko Moreno ay walang nagawa sa unang Biyernes ng 2021, na pumatak ng Enero 1 o pagpasok ng bagong taong 2021 ang pagsulpot ng napakaraming tao sa simbahan ng Quiapo.
Mistulang langgam sa kapal ng tao ang kalsada at sa Plaza Miranda. Nawala ang health protocols gaya ng physical distancing, at ang mga tao ay nakasuot nga ng face mask pero nakataas sa ulo ang face shield na ginawang headband. Ang iba naman ay nasa baba ng mukha ang face mask, dahil sa init daw ng panahon. Napapailing na lang ang nakabantay na mga unipormadong pulis.
Mukhang hindi napaghandaan ng pulisya ang nasabing petsa na dinumog ng mga taong nagsimba sa Quiapo church. Daming pasaway! Mga ‘igan baka nakakalimutan n’yo na wala pang bakuna sa Filipinas.
PAGSALUBONG SA BAGONG TAON, PAPUTOK ‘DI NAKONTROL
Sa lungsod ng Pasay, sa Tramo St., malalakas na uri ng paputok ang dumagundong sa mga residente. Mahirap talagang awatin ang mga taong mahilig sa firecrackers, kapag sumasalubong sa Bagong Taon.
Dahil nakagisnan na ito ng sambayanan, hindi maawat na ang putukan ay isang masayang pagsalubong hindi alintana ang disgrasyang maputukan. Sabi nga saka na ang pagsisisi kapag naputukan at naging sanhi ng sunog, ‘yan ang Pinoy! Sanay na sanay sa bahala na.
Sa lahat ng readers ng pahayagang ito, followers ni Dragon Lady, sa mga sipsip sa politiko, mga corrupt at matitinong politiko at nanunungkulan sa pamahalaan ng Republikang Filipinas, manigong bagong taon.
Sama-sama tayong manalangin na back to normal na ang bansang Filipinas sa taon 2021!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata