MAY dagdag na kita ang showbiz idols sa pagba-vlog, pag-i-Instagram kaya’t dagsa ang gumawa ng ganito noong 2020.
Dagsa rin ang paggawa ng personal website. Na na-bash man ang showbiz idols sa social media, marami sa kanila ang nanatiling nakalutang ang personalidad sa kamalayan ng madla dahil sa engagement nila sa Facebook,sa Instagram, sa pagba-vlog, at pagkakaroon ng sariling website. At kumikita rin sila sa paggawa ng mga ‘yon.
Pati nga ang ilang mga professional na may kinalaman sa showbiz idols ay na-maintain ang kasikatan at kumita sa pagba-vlog, pagla-live session sa Instagram nitong 2020 noong rumagasa na ang Covid. Kabilang sa mga ito ang beauty doctors, make-up artists, photographers, fashion designers, interior designers, physical fitness instructors.
Nauso rin ang Zoom at Google Live interviews kaya ni hindi kailangang magsama sa ilang lugar para mapanood sa Internet. Pati nga si Nora Aunor ay nagba-vlog na rin.
Dati-rati ay si Kris Aquino lang ang “nagtitiyagang” itanghal ang sarili sa social media noong nawalan na siya ng TV show at binansagan siyang “Queen of All Media.”
Ang daming Instagram posts ang showbiz celebrities na sponsored kaya bayad sila sa mga ‘yon. At mukhang sikat pa rin sila dahil sa mga iyon.
Naudlot ang pagsikat nang husto ni Ivana Alawi bilang aktres dahil sa pandemya. Gayunman, Nanatili siyang sikat dahil itinuloy-tuloy lang n’ya ang pagiging sexy vlogger na siya ang unang pinanggigilan ng madla lalo na ng kalalakihan.
Actually, ang digital platforms ang bumuhay sa showbiz nitong 2020 nang lumaganap ang pamumuksa ng Covid. ‘Di kasing sigla nang dati pero buhay pa rin ang Pinoy Showbiz.
‘Di nag-atubili ang Covid na atakihin pati ang showbiz idols.
Si Christopher de Leon ang unang showbiz idol na umamin na na-Covid siya. ‘Di rin inatrasan ng virus sina Iza Calzado, Sylvia Sanchez at ang mister n’ya, Michael V, Bong Revilla, Howie Severino, Eat Bulaga comedians Allan K and Wally Bayola, Kakai Bautista, at direk Joel Lamangan.
Nanatili namang malulusog ang Pinoy Showbiz idols kaya’t maraming mga aktres ang nakahiligang mag-post na mga larawan nila na naka-bikini, at may ilang aktor ding nagpo-post ng litrato nilang naka-swimming trunks o walang pang-itaas.
Parang si John Regala lang ang nagkasakit nang malubha at naospital.
Pero may ilan na ang kapamilya nila ang nagkasakit nang malubha at ang isa roon ay ang panganay na anak ng broadcaster na si Anthony Taberna.
May isang yumao dahil sa Covid, at ‘yun ay ang character actor na si Menggie Cobarubias bagama’t itinala ang sanhi ng pagyao n’ya bilang “complications of pneumonia.”
Yumao ang critically acclaimed director na si Peque Galaga sanhi ng lingering illnesses n’ya, at ‘di naman sa Covid.
Sa pamumuno ni Liza Diño-Seguerra, ipinagbunyi ng Film Development Council of the Philippinesang pelikulang Pinoy sa pagtatanghal ng 170 pelikula sa Pista ng Pelikulang Pilipino 4sa Internet. ‘Yon ang film festival na pinakamaraming isinalang na pelikula, pati na ang mga gawa sa mga probinsiya, at mga dokumentaryo. Gaya ng ibang film festivals na itinuloy online ang kanilang respective events, sa Internet din ipinalabas ang mga pelikula sa PPP4.
Maraming Pinoy showbiz idols ang nag-live-in sa kapwa showbiz idol nila o sa non-showbiz sweethearts nila dahil sa kwarantina at social distancing na bunsod ng pandemya.
Magka-live-in hanggang ngayon sina Carla Abellana at Tom Rodriguez.
May ilang aktres na nakipag-live-in pansamantala sa respective boyfriends nilang foreigner, at isa roon ay si Rhian Ramos. May mga aktres din na nagpunta sa bansang kinaroroonan ng respective boyfriends nila. Bale magkasama ngayon sina Janella Salvador at Markus Patterson sa England na nabalitang nanganak umano roon.
Magkapiling din ngayon sa England si Pia Wurztback at ang boyfriend n’yang banyaga na si Jeremy Jauncey.
Noong mga huling araw na lang ng 2020 nang ibinalita nina Andie Eigenmann at professional surfer Philmar Alipayo na engaged to be married na sila. Nakatakda nang magsilang ng ikalawa nilang anak si Andie.
Happily, wala namang menor de edad na showbiz idols na nakipag-live-in o nagdalantao.
May mga ipinlanong pagpapakasal na ‘di na muna itinuloy dahil sa Covid.
Noong Disyembre 31 ay ini-announce ni Neil Arce na ngayong first quarter ng 2021 ay itutuloy nila ni Angel Locsin ang pagpapakasal nila na ‘di natuloy noong November 8, 2020.
Si Kris Bernal ay ipinagpaliban din ang pagpapakasal sa non-showbiz boyfriend n’ya.
May mga relasyon na parang wala nang balak i-highlight sa pagpapakasal pero nanatiling matibay. Halimbawa’y ang kina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na mukhang ‘di rin naman idinadaan sa pagli-live-in.
Magiging mas matagumpay at mas makulay ang Pinoy Showbiz ngayong 2021 kung hihina na ang Covid dahil sa vaccination o ano pa mang dahilan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas