INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na maraming mga Pinoy, kabilang ang mga sundalo, ang nabakunahan ng CoVid-19 vaccine na gawa ng Sinopharm ng China kahit hindi pa aprobado ng Food and Drug Administration (FDA).
“Marami na ang nagpa-injection dito sa Sinopharm,” sabi ni Duterte kay FDA Director General Eric Domingo sa live briefing kamakalawa ng gabi sa Palasyo.
“Halos lahat ng sundalo natusukan na. I have to be frank and I have to tell the truth. I will not foist a lie. Marami nang nagpatusok,” anang Pangulo.
Aniya, wala siyang narining na anomang negative side effects ng Sinopharm vaccine.
Sinabi ni Domingo kay Duterte na wala pa silang naaresto kahit isang indibidwal na sangkot sa umano’y pagbabakuna sa mga Pinoy ng bakunang gawa ng Sinopharm.
“Wala nga po kaming mahuli. Naka-tatlong raid na po kami sa Makati at saka sa Binondo pero wala naman po kaming nahuli pa,” ani Domingo sa Pangulo.
Taliwas sa pagbibida ni Duterte sa Sinopharm vaccine ang nangyari sa Peru na pansamantalang ipinatigil ang clinical trials nito matapos makaranas ng neurological problem ang isa sa test volunteers na Guillain-Barre syndrome.
Batay sa ulat, ang Guillain-Barre syndrome ang panghihina ng muscles na nagsisimula sa mga paa pataas, patungo sa mga kamay at pagkatapos ay sa buong katawan sa loob lamang ng 72 oras.
Ang nasabing sakit ay may symmetric pattern na paghina ng muscles na nauuwi sa paralysis, ayon sa column ni Dr. Tranquilino Elicanio, Jr.
“Hindi pa malaman kung ano ang dahilan ng Guillain-Barre Syndrome ngunit ipinalalagay na ito ay auto-immune disorder na ang immune system ay nawawalan ng kakayahang makilala ang ‘sarili’ at ‘di-sarili.’ Bukod dito, nagpo-produce rin ng antibodies na umaatake sa sariling tissues. Pinaniniwalaang nade-develop ito pagkaraang magkaroon ng mild infection, maoperahan o kaya’y routine immunization.”
Mapanganib aniya ang sakit sapagkat apektado ang respiratory muscles na maaaring maging dahilan ng pagka-paralysis at respiratory failure. Maaaring magkaroon ng pagbabago sa presyon ng dugo, iregular na tibok ng puso at sa dakong huli’y ang permanenteng pagkaparalisa. (R. NOVENARIO)