ni BRIAN BILASANO
ATIMONAN, QUEZON – Dalawang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) ang inaresto sa loob ng bahay ng isang bokal nitong Sabado, 26 Disyembre ng taong kasalukuyan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), ang dalawang rebeldeng NPA na kinilalang sina Ruel Custodio, alyas Baste, tumatayong finance officer ng grupo, at Ruben Istokado, alyas Oyo/Miles, nagsisilbing political officer, na kapwa inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa Barangay Zone 3, Poblacion, Atimonan, Quezon.
Base sa mapagkakatiwalaang source, dinakip ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa loob umano ng bahay ng isang Rhodora “Dhoray” Tan, kilalang halal na miyembro ng Sanguniang Panlalawigan ng lalawigan ng Quezon at malapit na kaalyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez.
Sa nasabing operasyon, natuklasan ng mga awtoridad ang dalawang hand grenades, isang Bersa Thunder caliber 380 pistol na naglalaman ng 13 bala, isang kalibre .45 pistol na naglalaman ng isang magazine na may anim na bala, at isang Jericho caliber 9mm pistol na may dalawang magazine at ilan pang mga bala. Ang mga nakompiskang armas ay kaagad isinuko sa Atimonan Municipal Police Station (MPC).
Bago ang pag-aresto, una nang nasangkot si alyas Baste sa pangingikil ng ‘revolutionary tax’ sa probinsiya. Noong Hulyo 2019, naharap siya sa kasong kidnapping at sinundan pa ng kasong illegal possession of firearms noong Nobyembre 2019.
Samantala, nasangkot si alyas Oyo/Miles sa mga gawaing subersibo at nasampahan ng mga kasong double murder at multiple murder noong buwan ng Setyembre 2014.
Kamakailan, inaprobahan ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa pamamagitan ng paglagda ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa Resolution No. 12 na nagtuturing sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa hukbong sandatahan nitong New People’s Army (NPA) bilang grupong terorista sa bansa. Ito’y alinsunod sa Section 4 ng Anti-Terrorism Act.
At dahil dito, lahat ng mga ari-arian ng nabanggit na grupo ay maaaring kompiskahin at ipasara ng Anti-Money Laundering Council’s (AMLAC), batay sa Section II ng Republic Act No. 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.