TOTOO na maraming peke ang ibinebenta sa online selling kaya kailangan busisiin ng gobyerno dahil akala ng lahat ay mas mura ‘yun pala mas mura sa bangketa!
May umorder ng tatlong pirasong panty sa online selling dahil sa tindi ng salestalks, kesyo matatakpan ang mga bilbil dahil abot hanggang bewang, sa anim na piraso ay nagkakahalaga ng P999.
Dahil si buyer ay nakabibili ng ganoong klaseng panty sa SM department store ng P400 ang isang piraso minabuti niya na umorder sa online dahil parehong pareho sa nabili niya.
Mantakin ninyo, anim na piraso kompara sa P400 ang isa. Nang idineliber na sa buyer ang panties, maganda naman ang tela, pero isang araw nagulat siya ng kanyang labhan ang mga panties biglang lumabas ang mga himulmol ng sinulid at nang hilahin ito ay nagtuloy tuloy ang sinulid hanggang tuluyang masira ang porma ng panty.
Makalipas ang dalawang araw, nakakita siya ng panty na kapareho ng kanyang nabili sa online sa isang bangketa sa Libertad, Pasay City. Napabigkas ng “Dios mio” ang buyer dahil ang presyo lamang ng tatlong piraso P100… ang 6 na piraso ay P200 lamang!
Ako man ay nabiktima ng raket ng mga online seller, sa kagustohan kong makatipid ng koryente, isang air cooler na parang aircon daw ang lamig, eto pagdeliber sa akin Diyos me malakas pa hangin ng mayabang kong kapitbahay! Take note! P1,400 ang presyo, ‘yun pala ay 500 pesos lang! Ang laki na ng tubo, palpak pa ang item, may delivery charge pa!
Minsan bumili ako ng blender at steamer sa tindahan ng brand na Imarflex sa Gil Puyat Ave. (Buendia) lungsod ng Pasay, mabuti may naabutan pa ako sa gusto kong bilhin dahil pinakyaw na ng SHOPEE at LAZADA lahat! Eh Tingnan naman ninyo ang tunay na presyo kapag online seller na ang nagbenta!
Kaya mga ‘igan huwag magtiwala sa online sellers sa kanilang mga promo, GANDA NG PICTURES pagdating sa inyo KAPANGIT! Mas maganda pa mga tinda sa Baclaran at Divisoria!
Lalo ‘yung mga promo ng bags na 1+6 pairs may handbag, may shoulder bag, sling bag wallet size, coin purse, key chain, pagdeliber sa inyo SUSMARYOSEP! Kahit housemaid mo hindi gagamitin! Walang quality ang tahi ng bags at nakalabas pa ang mga sinulid…
Sana matuto na tayo. Sa gustong makatipid, ayaw lumabas para bumili, tiis muna huwag payamanin ang online sellers!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata