HUMINGI ng paumanhin si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga magulang ng mga mag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) dahil sa sablay na distribusyon ng P1,000 monthly allowance ng mga mag-aaral kamakailan.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Isko kay Universidad de Manila (UDM) president Malou Tiquia dahil sa maayos na pamimigay ng parehong halaga ng allowance sa mga estudyante ng UDM.
Aniya, “To the UDM family, to President Tiquia, to the men women and officers of UDM, thank you,” sinamantala na rin ng Alkalde ang paghingi ng paumanhin sa nangyaring kapalpakan sa PLM.
“Sa mga nanay at tatay ng PLM students, ako po ay humihingi ng pasensiya sa inyo. Sa PLM students na nanonood, please share this broadcast… pasensiya na kayo, marami sa inyo naghintay nang matagal. maghapon at inabot ng halos hatinggabi noong unang araw ng distribusyon… ako na po ang nahingi ng pasensiya sa inyong kainipan at matagal na paghihintay sa pila sa loob ng PLM,” Ayon kay Moreno.
Nabatid na ang distribusyon ng financial assistance ng pamahalaang lungsod sa mga mag-aaral ng PLM noong 16 Disyembre ay napansin na tila walang sistema at may kapalpakan dahil dumagsa ang mga magulang at estudyante, na labag sa health protocols.
Nagrereklamo umano ang mga magulang dahil hindi gumagana ang online system ng nasabing pamantasan kaya napilitan silang magpunta nang personal.
Napag-alaman ni Mayor Isko, ang ilang empleyado na inatasan sa pamimigay ng allowance ay ilang oras din late at hindi naobserbahan ang social distancing sa nasabing pangyayari.
Sa kabila nito, walang direktang kinalaman si Mayor Isko sa naganap na kapalpakan kaya’t maagap na humingi ng despensa sa nangyari.
Hindi nagpahayag ng paumanhin ang presidente ng PLM na si Leyco, kaugnay sa kapalpakan, hanggang sa kasalukuyan.
Ang pamimigay ng allowance ay ipinaubaya ng alkalde kay Tiquia at Leyco para sa mabilis at maayos na distribusyon ng P1,000 monthly cash allowance para sa mga estudyante ngunit pumalpak ang PLM.
Sanhi ng kapalpakan ay inatasan ni Moreno si city treasurer Jasmin Talegon na panatilihin ang city cashiers sa kanilang trabaho hanggang maubos ang napakahabang pila bunga ng mga kalituhan.
“Sa mga nagtampong PLM students, hirap na hirap, nauunawaan ko kayo. Ipagpaumanhin ninyo.. kung anumang miscommunication… para wala nang turuan, I take full responsibility… sa mga naghintay ng pitong oras, pero ‘yan ay ‘di naman nangyari sa UDM at sa iba’t ibang lugar,” dagdag ni Isko.
Sinabi ni Moreno, ang mga tanggapan sa pamahalaang lungsod tulad ng Office of the Senior Citizens’ Affairs na pinamumunuan ni Marjun Isidro at social welfare department sa ilalim ni Re Fugoso ay sabay din nagpamahagi ng financial assistance sa mga benepisaryo nito sa buong lungsod at nagagawa ito nang maayos at walang aberya. Ang nangyari sa PLM, ayon sa alkalde ay bukod tangi.
Bukod sa mga estudyante ng mga city-run university tulad ng PLM at UDM, binibigyan din ng monthly allowances ng pamahalaang lungsod ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWD) at solo parents.
(BRIAN BILASANO)