HINDI itinago ni Adrian Lindayag na nag-audition siya para sa leadrole sa The Boy Foretold By The Stars na isa sa entry na mapapanood sa December 25 sa Metro Manila Film Festival 2020.
Ani Adrian sa isinagawang virtual conference noong Lunes, “Nag-audition po ako. Last year mayroon akong event na dinaluhan. Ang ginawa nag-perform ako bilang singer at isa sa kasama ko roon ay si Ricci Reyes, batch mate of Direk Dolly Dulu sa Ateneo and a good friend of mine and a theater actress and part of the cast. Sabi niya na ‘yung kaibigan niyang si Dolly eh sumulat ng pelikula para sa isang festival at pakiramdam nina Ricci na bagay ako kaya pinag-audition nila ako.
“Dumating ako sa audition na-meet ko sina Direk, pinabasa sa akin ang script, nabasa ko ang ilang eksena. Sabi ko, ayoko ng ibigay kahit kanino pa ‘yung role. Kaya audition pa lang kini-claim ko na akin na iyong role. Ipinagdarasal ko rin ‘yun at ipinagpaalam ko rin ‘yun sa mga kasama ko at director ko sa Kadenang Ginto. Kasi that time, kasabay iyon niyon. Kung hindi nila ako pinayagan baka sa iba napunta ang role,” pagbabalik-tanaw ni Adrian.
Unang pelikula ni Adrian ang Foretold… at napanood na siya sa Kadenang Ginto sa ABS-CBN at sa kasalukuyan sa TV5, ang Oh My Dad. Sa entablado naman, gumanap na siya sa Rak of Aegis sa PETA at dito siya nakita ng executives ng ABS-CBN kaya isinali sa cast ng Kadenang Ginto.
Sinabi naman ni Direk Dolly, na base sa mga nag-audition, si Adrian ang pinakamagaling.
“Consistenly, Adrian is a thinking actor. I guess natutuhan niya iyon sa pagganap niya sa ‘Rak of Aegis’ and being alongside with veteran actors. Makikita mo na iniisip niya and he comes prepared and you can see the drive.
“Kaya nga nasabi ko noong nag-audition siya na, ‘papatayin ako ni Arian kapag hindi niya nakuha iyong role.’ Parang ganoon ‘yung gusto niyang sabihin.”
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Adrian na hindi siya napu-frustrate sakaling isipin ng manonood na kapag gay movie ay matatawa lamang ang audience at hindi naman iyon nakaka-touch o nakakapagpa-realize ng mga bagay-bagay.
“Hindi po, actually natsa-challenge ako. Kasi bahagi iyon ng advocacy ko bilang actor. Ang mag-portray ng mga character na courier na part ng LGBTQIA plus community at iangat ang dangal at dignidad ng mga characters na iyon na makakapag-contribute sa pag-progress natin bilang community.
“This is also our responsibility bilang actors to portray these characters na hindi lang ito nakatatawa kailangan mayroon din silang ibang side, may ibang dimension. At sobra akong honor na mayroong isinulat na ganito si Direk Dolly kasi hindi naging mahirap para i-execute ang ganoong character. Mapapanood iyon sa pelikula na sinasabing bago iyong story, pero magtataka kayo na familiar pala iyong mga iyon. It’s the same love for everyone, ‘yun ang makikita sa pelikula,” sambit pa ni Adrian.
Hindi naman straight guy ang kinuha ni Direk Dolly dahil aniya’y simula pa lang gusto na niyang isang feminine actor o isang gay ang gumanap.
“Feeling ko kasi hindi magiging genuine kung hindi siya out dahil maraming layers ang daming layers na kailangang daanin. Back then, it was a festival film, and it will be hard for me to explain pa, to correct pa kung straight ang magpo-portray ng role. Kaya desisyon ko na mas madali ‘yung wala na ‘yung ganoong ituturo ko pa. ‘Yung mabilis na ang proseso kasi bakla na siya. Magpo-focus na kami sa acting, sa objectives of the scene compared doon sa characterization.
“And isa pa, kuwento ko ito hindi ko nakikita ang sarili ko bilang pino-portray ng isang straight actor.”
Kasama rin sa pelikula sa The Boy Foretold By The Stars si Keann Johnson, handog ng Brainstormers Lab at Clever Minds, Inc.at mapanood worldwide sa pamamagitan ng Globe via UPSTREAM.ph sa halagang P250 lang.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio