KAWAWANG taxi drivers na naghahatid ng pasahero sa Mall of Asia, maging mga pasahero ay umaangal din dahil kapag tumapat sa pasukan ng taksi ang sinasakyan mo papapasukin na ng mga security guards ang taksi sa pilahan at ikaw na kawawang pasahero ay kinakailangang tumawid pa para makarating sa loob ng establisimiyento na pupuntahan mo.
Ang dahilan pala, lahat ng taksi ay kailangang magbigay ng halagang bente pesos sa nakaabang na security guards.
Ayon sa mga taxi driver, kung minsan galing lang sa malapit na lugar ang kanilang minamanehong taxi mababawasan pa ng bente pesos.
Obligado ang mga driver na dumaan sa pilahan ng taxi at kadalasan umaabot ng isang oras bago sila masakyan ng mga pasahero!
Tanong ng mga taxi driver, alam ba ito ng management ng MALL OF ASIA o sadyang raket lamang ito ng Security Guards. Sabi ng mga driver, buti pa ang mga guwardiya ay may regular na suweldo samantala silang taxi drivers ay base lamang sa kanilang kinikita dahil mayroon silang boundary fees sa taxi operators at kung minsan ay wala na nga silang kinikita nababawasan pa ng bente pesos kada hatid sa mga pasahero sa Mall of Asia.
Dapat daw, magkaroon ang MOA ng regular na taxi na pumipila hindi tulad sa mga taksing estranghero lang dahil may pasahero na nagpapahatid o pupunta sa Mall of Asia.
Galit na sinabi ng nagrereklamong taxi drivers na “mga dorobo at mandurugas” ang mga Security Guards ng MOA.
Sa management ng MOA, pati guwardiya n’yo rumaraket, siguradong may alam dito ang chief security! Kung sino ka man hudas ka! Hindi lang ikaw ang anak ng mundo! Kung walang taxi drivers na naghahatid ng pasahero, bawas ang kostumer ng mga establisimiyento!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata