STRAIGHT na lalaki si Tekla, trabaho lang sa kanya ang pagiging Tekla…
“Yes. Nakuha ko ‘tong ganitong look sa comedy bar.”
Bakit ang galing-galing niyang mag-bading?
“Gift po ng God ‘to, kasi bihira sa isang performer or sa isang comedian na biyayaan ng ganoon, kasi ‘yung… basta ‘yung nano-notice ko lang, every time I come up on stage, ‘pag hawak ko na ‘yung mic, may magic na eh.”
Siya lang ang straight guy na na kapag nagpe-perform na sa comedy bar (bago ang pandemic) o sa TV ay nagiging bading na.
“Hay naku, ‘pag nakita n’yo po ako in person, naku naka-sando lang ako. ‘Hindi ninyo ako ma-identify, kasi as in… parang mag-aayos ng aircon.”
Nag-iisa siya sa daigdig ng komedya ng entertainment na straight guy pero bading ang character.
Ang showbiz crush niya ay ang beauty queen na si Ariella Arida.
“Yes! Crush ko ‘yun. Crush lang naman, ang layo ng agwat namin, langit- lupa.”
Sa tunay na buhay, kaninong artista siya, guwapong-guwapo?
“Sa ngayon siyempre, ‘yung kaibigan ko, si Alden. Lalo na ngayon, ang guwapo niya ngayon!”
Patuloy pang sinabi ni Super Tekla tungkol sa Pambansang Bae na si Alden Richards, “Ang healthy ng pagkaguwapo niya, ‘yung pumayat na ang presko, na ang healthy. Oh my God!”
Alam ng lahat na maraming pinagdaanan si Super Tekla sa buhay, nalampasan naman niya ang mga ito.
Ano ang mga natutuhan niya mula sa lahat ng intriga’t unos sa buhay niya bilang artista?
“Ano lang…parang, magpakumbaba ka lang, no matter what, kasi…pero hindi ‘yung magpakumbaba ka na aapakan ka na lang, siyempre magpakumbaba at saka be yourself.
“Kasi iyon ‘yung importante, eh. Kasi kailangan… jusko sa mundo namin talagang sobrang mabigat ang kompetisyon dito, lalo na sa aming mga komedyante, being ano… siyempre kailangan mo ring pag-aralan at marunong ka ring sumabay sa lahat ng mga ano.”
Samantala, gamit ni Tekla ang tunay niyang pangalan bilang artista, at ito ay sa Magpakailanman episode sa Sabado.
Tampok sa Magpakailanman si Romeo “Tekla” Librada kasama sina Gladys Reyes, Odette Khan, Diva Montelaba, Zymic Jaranilla, Arjan Jimenez, at Ms. Chanda Romero.
May pamagat na Batik, Ang Santa Claus Ng Tarlac: The Alberto Sebastian Story, ito ay idinirehe ni Rechie del Carmen at mapapanood ngayong Sabado, December 12, 8:15 p.m sa GMA.
Rated R
ni Rommel Gonzales