MAY isa pa palang award. Na dapat eh, hindi rin nakaliligtaan. Dahil ito ay award na ipinagkakaloob sa mga nasa sa loob ng Akademya, ng FAP o Film Academy of the Philippines.
Natawa nga ako sa mga kuwento na may mga artista palang sadyang walang alam sa nasabing parangal. Iba ang mga alam nila. At kung ‘yun daw ba iyon?
Hindi ba maingay ang LUNA AWARDS? Ika-ilan na ba ito? Ika-38!
Dito, artista sa kapwa artista ang pumipili at bumoboto para gawaran ng parangal.
Ang dami kasing istorya, eh. Daming sitsit.
Kaya nahirapan ang bagong talagang Director General nito na si Vivian Velez. Pero iginagapang nilang 5-man team para magpatuloy pa rin ito. Para sa mga taga-industriya.
Natawa na naman ako sa kuwentuhan. Bakit daw ba tinawag na LUNA ang award?
Sa matagal na panahon, parang wala naman kasing maayos na nagpaliwanag, pwera ‘yung ang alam lang ng marami ang Luna sa Ingles ay moon at buwan sa Tagalog o Filipino.
Negatibo pa nga ang konotasyon nito sa napaglaruan ng mga tsikahan. May ritwal daw ba na ginaganap sa kabilugan ng buwan?
Playtime na kung iisipin mo pwedeng ganoon nga ang maging dating.
Kaya humingi ako ng tamang deskrispyon at paliwanag. Para mismong mga artistang miyembro ng Akademya ay hindi maligaw sa sasabihin kapag tinanong sila lalo na kung mapasakamay na nila ang tropeo.
Sabi sa akin ng Director for Programs and Events nito na si Peter Serrano, “Tuwing sumasapit ang gabi, nakahalintulad dito ay ang pagdidilim ng sinehan hudyat ng pagbubukas ng palabas – upang ihatid ang liwanag ng pelikula nito. ‘Di ba? Ang dilim ng telon. Iilaw sa pelikulang masasaksihan natin.
“At sa pagsapit ng dilim, una nating nakikita ang Luna, ang buwan upang magbigay liwanag kaagapay ang mga bituin ( mga manggagawa sa pelikula) na pumapaligid sa kanya. Kaya ‘yun ang simbolismo niya, Mars.”
Ang nagpapalakad ngayon sa FAP bukod kag Director General VV at Peter ay sina Ed Totanes, Director For Communications and Business Development, Manny Morfe, Finance Officer at Homer Salaguinto, Office Administrator.
Pero patuloy naman silang ginagabayan at iginigiya ng mga dati ng miyembro nito.
Mula sa kanilang pagsisikap, mangyayari ang Nominations Night ng FAP sa linggong ito.
At ang taunang pagbibigay ng karangalan ay magaganap sa Disyembre 18, 2020 at mapapanood ng LIVE sa UNTV, 7:00 p.m..
Sa tulong ng NDM Studios ni Direk Njel de Mesa at Fisher Mall, sumulong na ang video shoots para sa mga kailangang mapanood sa programa na ang host ay ang komedyanteng si Dinky Doo. Ilan sa performers ay sina Isay Alvarez, Robert Seña, at Paolo Paraiso. Kasama rin sina Daiana Meneses, Ynez Veneracion, Director Nick Lizaso, Federico Moreno, Harlene Bautista at marami pang iba.
Saksihan ang muling pagkinang ng FAP at ni Luna. Magtulong-tulong tayo!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo