SINAGOT ni Kim Chiu ang sinasabing siya na ang pinakamalaking artista ng ABS-CBN dahil siya ang pinakahuling ipinakilala sa mga muling pumirma ng kontrata sa ABS-CBN bukod pa sa sunod-sunod at maraming project sa network.
Ani Kim sa virtual conference para sa Bawal Lumabas: The Series na mapapanood simula Disyembre 14 sa iWantTFC kahapon, “Unang-una, hindi ako reyna! Mas marami pang mas matagal pa sa mundo ng Star Magic. Sadyang ako lang iyong nag-expire na ang contract ko sa Star Magic at ABS-CBN.”
Idinagdag pa ni Kim na, “Parang ako iyong natira na medyo senior sa kanilang lahat.”
Ang Bawal Lumabas: The Series, ay pampamilyang kuwentong handog ng iWantTFC ngayong Kapaskuhan. Tiyak na makre-relate ang marami sa kuwento ni Emerald (Kim), isang overseas worker na nakapagtrabaho na sa iba’t ibang bansa para suportahan ang kanyang pamilya. Dahil ulila na silang magkakapatid, ibang klase ang dedikasyon niya sa trabaho dahil sa kagustuhang matupad ang pangarap ng mga namayapa nilang magulang para sa kanilang pamilya.
Ang family dramedy na ito ay idinirehe ni Benedict Mique at tampok din sa serye ang hit song ni Kim na Bawal Lumabas, na inspired din mula sa statement niyang nag-viral noong Mayo. Available na rin ang Christmas remix ng Bawal Lumabas song ni Kim sa iba’t ibang music streaming platforms.
Kasama rin sa Bawal Lumabas sina Rafael Rosel, Kyle Echarri, Francine Diaz, Trina Legaspi, Paulo Angeles, at Giselle Sanchez.
Mapapanood ng standard at premium subscribers ang Bawal Lumabas: The Series simula Disyembre 14 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Mayroon itong anim na episodes at isa ang ilalabas araw-araw tuwing 6:00 p.m. hanggang Disyembre 19.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio