HINDI ikinaila ni Janno Gibbs na nagulat siya nang halos wala pang isang linggo nang ma-upload ang movie trailer ng PAKBOYS TAKUSA ay umabot na ito sa 20 million views sa iba’t ibang social media platforms (Facebook, Instagram, YouTube), at marami na ang excited na mapanood ang pelikula.
“Sobra. We we’re pleasantly surprised sa dami ng views agad, sa bilis na nakuha ng views namin. Kasi ang ginagawa namin is just a simple comedy film na nakaka-surprise ang reaction ng tao.
“Tuwang-tuwa sila na parang bago ang ginagawa namin,” sagot ni Janno nang matanong ukol sa reaction nila sa dami ng views ng kanilang trailer.
Sinabi naman ni Dennis Padilla na tiyak na marami ang natuwa sa pagsasama-sama nilang apat nina Janno, Jerald Napoles, at Andrew E.
Umaasa naman si Andrew na ang mga nanood ng trailer ay manonood din ng kanilang pelikula sa oras na ito’y ipalabas na sa December 25 bilang isa sa entry sa Metro Manila Film Festival handog ng Viva Films.
Iginiit naman ni Andrew na wala silang binago sa komedyang inihahatid nila before sa ngayon.
“Wala kaming binago. Kung paano kami before ‘yun pa rin except ‘yung plataporma para sa mga bagong millennials o bagong kabataan. Kumbaga ‘yung platform ang sinakyan, pero the same,” sambit ni Andrew.
“I think from ‘Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo’ I think ang mission talaga namin nina Andrew at Dennis was to re-introduce our old style of comedy to the new audience, sa mga younger generation,” paliwanag naman ni Janno.
“Ang nakakatuwa lang, kapag nasa labas ako nagugulat ako dahil ‘yung mga teen-ager ang sumasalubong sa akin, sabi nila natutuwa sila sa comedy namin. At sinasabi ko, mabuti na naiintindihan nila. At sinasabi nila na bago iyon sa pandinig nila kaya nagugustuhan nila,” sabi naman ni Dennis.
Nagbabalik ang trio na kasama ang komedyanteng si Jerald para sa kanilang official Metro Manila Film Festival entry.
Ang PAKBOYS TAKUSA ay tungkol sa apat na magkakaibigan na may iisang interes: Babae. Ang Photographer na si Justine (Janno ); ang Dentista na si John (Andrew E.), ang Stand-up Comedian na si Bruno (Dennis); at ang Tattoo Artist na si Drake (Jerald ) ay mahilig pumorma sa mga babaeng nakikilala nila sa trabaho. Lahat sila expert sa pambababae, at lalong mas expert sila sa pagtatago sa kanilang mga asawa. Hindi titigil sa pambababae ang apat na magkakaibigan, hanggang sa dumating ang karma, at malalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa… babae. At sino pa ba ang magliligtas sa kanila kundi ang kanilang mga loyal at mapagmahal na asawa.
Kasama nila Janno, Dennis, Jerald at Andrew E. sa pelikula ang kanilang mga magagandang misis na sina: Angelu De Leon, Maui Taylor, Marissa Sanchez at Ana Roces. At kasali rin sa kalokohan at kaguluhan ang beteranong komedyante na si Leo Martinez. Siya ang magbibigay ng payo sa apat na magkakaibigan tungkol sa buhay may asawa at pambababae.
Humanda na sa katatawanang hatid ng PAKBOYS TAKUSA sa 2020 Metro Manila Film Festival. Magsisimula ang worldwide streaming sa December 25, 2020 sa UPSTREAM.ph, at sa halagang P250, ay makakakuha ka na ng isang movie access.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio