SOBRA-SOBRA ang kaligayahan ni Jane de Leon nang isa siya sa pumirma ng kontrata sa ABS-CBN noong Biyernes kasama ang iba pa katulad nina Kim Chiu, Enchong Dee, JM De Guzman, at Joseph Marco, MYX VJ at host na si Robi Domingo, Teen Idol na si Andrea Brillantes, at aktres na si Kira Balinger. Kasama rin ang bagong P-Pop groups mula sa Star Hunt na BINI at SHA Boys.
“Nangingibabaw lang talaga sa akin ang kasiyahan at excited ako sa mga darating pang chapters,” sambit ni Jane.
Kasama sa chapter na ito ay ang pag-anunsiyo ni Ms. Cory Vidanes, ABS-CBN chief operating officer ng broadcast na tuloy ang Darna sa 2021 bilang teleserye.
Ani Jane, “Nagulat ako sa pag-aanunsiyo. It’s another dream na naman na natuloy… Grabe ‘yung pasasalamat ko talaga sa mga boss dahil until now, ‘yung pagtitiwala nila na sa akin pa rin ibigay ‘yung bato, nandoon pa rin.”
Giit pa ng batang aktres, “actually ang pinaka-exact na word eh nag-roller coaster kasi ang akala ko postponed o hindi na matutuloy (Darna) kasi ayoko talagang mag-expect. ‘Yun ang nai-promise ko kay Lord na hindi ako mag-e-expect.
“I know naman kasi na may mga darating na blessings. And ‘yan din naman ang sinabi ko rati habang nag-a-audition ako na, ‘if hindi po talaga para sa akin ito, naiintindihan ko po na baka para talaga sa ibang nararapat na artista.Pero kung ibibigay n’yo po sa akin ito at pagkakatiwalaan n’yo ako, nagpapasalamat po ako ng marami.’”
Sa ngayon, itutuloy pa rin ni Jane ang training at uumpisahan na ang isang project bago ang Darna na uumpisahan na ngayong araw ang taping.
Sa kabilang banda, aminado naman si Jane na medyo nalungkot siya sa mga komento ng netizen nang hindi agad natuloy ang Darna. “It’s normal to feel down dahil kahit naman sino ‘yun ang mararamdaman. Kailangan lang talaga matuto akong mag-manage niyon. I understand naman ‘yung mga kuwestiyon ng netizen. Kahit naman ako tanong ko rin sa sarili ko, ‘bakit ako?!’ Kasi ako pine-pray ko naman kay Lord na gusto kong magkaroon ng project, pero hindi ko rin po in-expect ang ‘Darna.’
“Sa mga positive comment, maraming salamat po. Salamat sa pagbibigay sa akin ng positivity.”
Samantala, mapapanood simula December 14 si Kim sa bagong palabas ng Dreamscape Entertainment, ang Bawal Lumabas. Mainstay pa rin si Kim sa ASAP Natin ‘To at It’s Showtime.
Magkakasama naman ang Pinoy Big Brother Connect host at Netflix film Alter Me top-biller na si Enchong at Gold Squad member na si Andrea sa Huwag Kang Mangamba, isang bagong teleseryeng aabangan ng lahat sa 2021. Mapapanood din sa nasabing teleserye ang Gold Squad members na sina Francine Diaz, Kyle Echarri, at Seth Fedelin.
Muling bibida si JM ngayong 2021 sa Init sa Magdamag kasama sina Gerald Anderson at Yam Concepcion. Tiyak na aabangan din ng kanyang fans ang nalalapit niyang Star Cinema movie.
Tampok sa dalawang Metro Manila Film Festival (MMFF) entries ngayong taon si Joseph na kamakailan lang ay nagpasiklab bilang si Avel sa hit Primetime Bida series na Ang Sa Iyo Ay Akin.
Kasalukuyan namang host si Robi ng Pinoy Big Brother Connect na nagbukas na noong Linggo (Disyembre 6) sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z channel 11, at Kumu. Bukod sa PBB, game master din si Robi ng pambansang game show ng Pilipinas, Game KNB? na mapapanood saan man sa mundo sa pamamagitan ng TFC, TFC IPTV, at Kumu.
Kasalukuyan namang gumaganap bilang Hope sa Ang Sa Iyo Ay Akin si Kira. Makakaasa naman ang fans ni Kira at ni Grae Fernandez na buong-buo pa rin ang love team na KiRae dahil magkakasama pa rin ang dalawa sa isang teleserye at online project soon.
Nagpabatid naman ng mensahe ng pag-asa si ABS-CBN chairman Mark Lopez tungkol sa patuloy na pagseserbisyo ng kompanya sa mga Filipino.
“Maraming salamat sa inyong pagtitiwala. Sa pagbubukas ng bagong taon, kami ay umaasa at nananatiling positibo sa aming mga artista, ABS-CBN leaders, mga empleado, lalong-lalo na sa aming masusugid na Kapamilya. Alam naming mas mataas pa ang maaabot ng ABS-CBN sa aming patuloy na paglilingkod sa mga Filipino saan man sa mundo,” saad ni Lopez.
Ayon naman kay ABS-CBN president and chief executive officer Carlo Katigbak, ang pagiging Kapamilya ay hindi lamang isang trabaho, kundi isang “calling” upang makapagsilbi sa sambayanang Filipino. Pinasalamatan din niya ang Kapamilya artists na nanindigan para sa network sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan nito.
“Gusto kong pasalamatan ang mga Kapamilya natin na inirerepresenta ang ABS-CBN sa mundo. Kayo ang nagbibigay ng liwanag at ligaya sa ating mga Kapamilya. Salamat sa pagiging parte ng ating misyon, sa pagtitiwala sa ABS-CBN, at inyong patuloy na pagsuporta sa kabila ng ating mga pinagdaraanan,” ani Katigbak.
Tinapos ni Katigbak ang kanyang speech sa pamamagitan ng pag-anunsiyo sa bagong head ng Star Magic na si Laurenti na nagpasalamat din sa Kapamilya artists na nanatili at pumirma ng kontrata sa talent agency.
“Kilala ang Star Magic sa pagbubuo, paghahasa, at pangangasiwa sa ilan sa mga maniningning na artista sa industriya, at ating ipagpapatuloy ang tradisyon na ito,” saad ni Dyogi na opisyal nang magiging head ng Star Magic ngayong January 2021 habang pinamumunuan ang TV production.
“Sa aming pag-welcome sa mga bagong artista na bubuo sa ating Star Magic family, gusto rin naming ipahatid ang aming lubos na pasasalamat sa Star Magic artists na piniling samahan ang ABS-CBN sa muling pagbangon nito,” dagdag pa niya.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio