“UMAAPELA tayo sa lahat, including government officials, kung mayroon kayong activities at hindi ninyo kayang ipatupad ‘yung health standards particularly, social distancing, stop it, huwag n’yo nang ituloy ‘yan. You cannot just say sorry. Mahirap ‘yun.”
Ito ang ipinayo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año makaraang kumalat sa social media ang retrato ni Senator Manny Pacquiao na nagsasalita sa harap ng maraming tao sa Batangas at hindi rin nasunod ang social distancing.
Sinabing maraming tao ang dumalo sa okasyon at nalabag ang mga ipinatutupad na health protocol na ipinatutupad ng pamahalaan.
Nabatid noong Biyernes ay naging panauhing pandangal din si Presidential Spokesperon Secretary Harry Roque sa isang okasyon sa Cebu dahil sa pagbubukas ng Bantayan Island Airport.
Tiniyak ni Año na hindi nila palalampasin sina Roque at Pacquiao hinggil sa napaulat na ‘mass gathering’ ng dalawang opisyal na malinaw na paglabag sa health protocol na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Binigyang diin ng kalihim na bubuo siya ng fact-finding investigation ukol sa mga napaulat na ‘mass gathering issue’ nina Roque at Pacquiao.
Ayon sa impormasyon ng DILG, nagresulta ang pagdalaw ng dalawang opisyal sa magkahiwalay na lugar ng malakihang pagtitipon ng mga tao at nabalewala ang social distancing.
“We will make sure na magkaroon ng fact-finding diyan at kung mayroong dapat managot ay titingnan namin,” giit ng DILG Chief. (ALMAR DANGUILAN)