PUWEDE na muling magtrabaho sa ibang bansa ang Pinoy health workers matapos tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban sa medical professionals.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque kay Pangulong Duterte na may sapat na health workers sa Filipinas upang tugunan ang CoVid-19 pandemic.
“Noong ini-request po ‘yan ng DOLE (Department of Labor and Employment) at ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases), hindi muna sumagot kaagad ang Presidente dahil nakipag-ugnayan muna siya kay Sec. [Francisco] Duque ng DOH para masigurado nga na sapat ang ating nurses dito sa ating bayan,” sabi ni Roque sa virtual Palace briefing.
“At nagkaroon naman po ng kasiguraduhan ang DOH na sapat po ang ating mga health professionals dito sa Filipinas,” aniya.
Matatandaan noong nakalipas na Abril ay nagpatupad ng deployment ban sa medical workers dahil kailangan sila ng bansa laban ang pandemya.
Ang rekomendasyon ng DOH ay bunsod ng pagbaba ng kaso ng CoVid-19 sa bansa.
“Inisip na rin ng ating Pangulo na siguro panahon na nga sa mga nais mapabuti ang kanilang mga buhay ay magkaroon ng pagkakataon,” ani Roque. (ROSE NOVENARIO)