MAGLALAAN ang administrasyong Duterte ng 25 dolyar o mahigit P1,000 kada Pinoy para mabakunahan kontra CoVid-19.
Inihayag ito ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa recorded televised Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases meeting kagabi kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dominguez, target ng gobyernong mabakunahan ang 60 milyon sa mahigit 110 milyong populasyon ng Filipinas at tinatayang aabot sa P73.3 bilyon ang ilalaang pondo para sa CoVid-19 vaccine.
Target aniya ng gobyernong magkaroon ng herd immunity o malaking bilang ng mga mamamayan sa isang komunidad o grupo ay magkaroon ng proteksiyon o kaligtasan mula sa isang sakit gaya ng CoVid-19 dahil nabakunahan kaya’t hindi na kakalat pa ang virus.
Kaugnay nito, ikinagalak ni Pangulong Duterte ang report na 92% recovery rate ng kaso CoVid-19 sa bansa at ang patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso sa nakalipas na dalawang linggo.
Base sa ulat ni Health Secretary Francisco Duque III sa 420,614 total cases ay 386,604 ang gumaling kaya’t ang recovery rate ay nasa 92 percent.
Habang ang bilang ng mga pumanaw ay nasa 8,173 o case fatality rate na 1.94 percent.
“Sa 1,799 naidagdag sa ating mga kaso, 465 ay galing po sa NCR, 443 sa Region IV-A, 224 sa Region III, 105 sa Region VI at 562 sa natitirang mga rehiyon. Para naman po sa ating active cases, ang kabuuang bilang as of November 23 ay nasa 25,837 or 6.14 percent ng atin pong total cases,” ani Duque.
Kombinsido si Duque na ang pagbaba ng kaso ng CoVid-19 ay dulot ng pagsunod ng mga mamamayan sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng mask at face shield, paghuhugas o pagpahid ng alcohol sa mga kamay at social distancing.
Gayonman, magkakasa aniya ang DOH ng contingency plan bilang paghahanda sakaling magkaroon ng post-holiday season surge sa bilang ng mga kaso. (ROSE NOVENARIO)