PATAY ang dalawang construction workers, habang malubha ang isa pa nang mahulog habang hinihila ang isang bloke piataas sa ginagawang gusali sa La Loma, Quezon City, nitong Lunes ng umaga.
Idineklarang patay nang dumating sa ospital ang mga biktimang sina Arnel Kapistrano Esquitado, at Rex Laorio Dela Rosa, kapwa nasa hustong gulang, habang inoobserbahan pa sa East Avenue Medical Center ang kasamahang sugatan na si Richard Balatukan Gregorio, pawang residente ng Bulacan.
Sa inisyal na report sa Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station 1, dakong 10:30 am kahapon, 23 Nobyembre, nang maganap ang insidente sa construction site (di binanggit ang pangalan) na matatagpuan sa kanto ng Calamba St., at Sto Domingo, Barangay Sto. Domingo, QC.
Sa pahayag ng nakasaksing kasamahan na si Zaldy Reyes, abala sa pag-i-install ng beam ang mga biktima at habang hinihila ang isang bloke na may 12 metro ang taas ay kumabyos ang metal boom hanggang nalaglag.
Agad isinugod sa East Avenue Medical Center, ngunit idineklarang patay sina Esquitado at Dela Rosa, sanhi ng grabeng pinsala sa ulo at katawan, ayon sa attending physician na kinilalang si Dr. Manzo.
Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. (ALMAR DANGUILAN)