MAHIGPIT na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagpapaskil ng political materials sa bawat sulok ng lungsod.
Pahayag ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, masigasig ang kanilang paglilinis sa lungsod mula sa gulo at pangit na sitwasyong iniwanan ng nakalipas na administrasyon, kaya hindi nila hahayaan na muli itong masalaula o marumihan ng political materials, na eye sore lamang sa madla.
Kasunod nito, ipinanawagan ni Moreno sa mga tao na nagnanais na gamitin ang lungsod ng Maynila sa promosyon ng kanilang mga sarili o mga pananaw pampolitika na humanap na lamang ng ibang lugar.
“Don’t immortalize yourself. Malalaman ng utaw (tao) ‘yan kung ano mga nagawa ninyo. Hindi naman makalilimutin ang mga utaw,” ani Moreno.
Kaugnay nito, inatasan ni Moreno ang tanggapan ng City Engineering na baklasin ang posters, tarpaulins at mga kahalintulad na materyal na may promosyon ng mga politiko o mga isyung politikal at mga materyales na may mensaheng nagsusulong ng pagkakahati-hati sa mga mamamayan.
“Dito, lahat, ayoko ng plastada ng pangalan ng mga politiko at poster. ‘Wag ny’o babuyin ang Maynila dahil marami pa kaming lilinisin. Nag-uumpisa pa lang kami sa paglilinis at ayokong dugyot ang Maynila,” dagdag ni Moreno.
Matatandaan na pinabaklas ni Moreno ang tarpaulin na nagdedeklarang ‘persona non grata’ ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), noong nakaraang buwan.
Inilinaw ni Moreno na kanyang isinusulong ang pagmamahal at pagmamalasakit sa bawat isa ngayong nahaharap pa tayo sa panahon ng pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (CoVid-19).
Nais ni Moreno na magbuklod at magtulungan ang bawat isa at imbes galit dapat ay magkaisa ang mga Filipino. (BRIAN BILASANO)