GINULAT ako ng may isang pamilyar na artistang nakita kami sa ilang eksena ng bagong season ng Ang Sa Iyo Ay Akin. Na mas kilala namin bilang singer. Si LA Santos!
Bahagi na pala ito ng malaganap na programa ng Kapamilya.
Siya si Alfred. Classmate nina Hope (Kira Balinger) at kaibigan ni Jacob o Jake (Grae Fernandez) sa tinututukang serye.
Ang kuwento ni LA. Kung paano lumagpak sa kanya ang naturang papel, “Ipinag pray ko po ito. Nag-try po kami magsabi/mag apply sa ABS prod team, especially with Ma’am JRBenitez. Nakita naman po ang acting ko po. Thank you po kay Father God, nagustuhan po nila ang acting role ko, kaya nabigyan po ng chance.”
Binu-bully ng mga kaklase o schoolmates niya ang mga unang eksenang nabungaran namin kay LA.
“Pinag-aralan ko po itong mabuti, para maging effective po. Ramdam ko po ang pagiging bullied, kasi galit po ako sa mga nambu-bully .
“Masaya po ako sobra. Sana po mapansin ang role ko kahit maigsi lang, para po magkaroon ng chance for bigger role. Praying hard po sana more teleserye, sana po tulungan n’yo rin po akong mag-pray.”
Kumusta siya sa panahon ng CoVid-19 at kalamidad?
“Mula po ng lockdown, feel na po natin ang hirap na dinadanas ng marami because of Covid, pati po sa mga frontliner.
“For five months na po, nagpapamigay po kami ng NEW NORMAL KIT, sa mga kaya po naming mapadalahan… body bag po, alcohol, mask, at faceshields.
“This week po, kami pong mag pipinsan, nag-ambag ambag para po sa naapektuhan at binaha sa Marikina
“This week din po, ‘yung talent fee ko po sa ‘ASIAA’ pinamili po namin ng banig, kumot, at groceries, papadala po namin sa Bicol at sa Isabela.”
Ilang linggo na lang, Pasko na. Ano ngayon ang pananaw niya sa Dakilang Araw na ito?
“Christmas po is really for the family and sa mga mahal sa buhay, mahirap lang po ma-explain kasi ramdam ko po ang mga affected ng Covid, ‘yung mga nawalan ng mahal sa buhay, may mga sakit, at lalo po ngayon sa mga nasalanta ng bagyo.
“Parati po kami nagpe-pray ng family ko, every night, hindi lang po para sa amin para na po sa lahat, lalo na ang mga nahihirapan.”
At alam na natin na si LA ang nagpapalaganap ng 7K Sounds para naman sa mga musikerong gagawa ng mga Pamaskong kanta mula sa sari-saring isla at rehiyon ng bansa.
Tutukan na siya sa ASIAA.
HARD TALK!
ni Pilar Mateo